Dayaan at anomalya sa 2023 BSK elections iimbestigahan ng Kamara

Rep. Mujib Hataman

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ng isang kongresista ang ulat na nagkaroon ng pandaraya, anomalya at iregularidad sa nakaraang barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Sa House Resolution No. 1497 na inihain ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman, mahalaga na malaman kung sino ang nasa likod ng pandaraya sa eleksyon upang mapanagot sa batas.

“Mahirap dedmahin ang napakaraming alegasyon ng irregularidad, pandaraya at pananakot noong nakaraang barangay elections. Dito lamang sa Basilan, madaming insidente ang naiulat sa social media na hindi naa-address ng mga kinauukulan,” sabi ni Hataman, dating gobernador ng ARMM.

“Lagi na nating problema ito, hindi lamang sa barangay at SK elections. Dapat ba nating bisitahin na ang batas dahil parang walang nadedemanda o nakukulong pagdating sa pandaraya, pananakot at irregularidad tuwing eleksyon,” dagdag nito.

Nakapalooob sa resolusyon ang mga ulat na ang mga election officers ng Commission on Elections (Comelec) at mga miyembro ng security forces ang sangkot pa sa mga anomalya at ilegal na aktibidad noong barangay at SK elections na ginanap noong Oktubre.

Inihalimbawa nito sa munisipyo ng Maluso sa Basilan kung saan lahat ng miyembro ng Electoral Board sa lahat ng clustered precincts sa Barangay Samal Village ay nagtangka umanong ilipat ang lokasyon ng botohan alas-7:30 ng umaga mula sa Comelec- itinalagang polling center sa ibang lugar na walang awtoridad mula sa Commission En Banc, ang nag-iisang awtoridad na may kapangyarihang mag-cluster ng mga presinto at itinalagang polling center.

“If such an illegal and criminal act was not prevented, the voters would surely be displaced and would not be able to vote, thus resulting in a failure of election,” ayon sa resolusyon.

Isa pang pagngyayari ang naganap sa Barangay Bubuan, Munisipyo ng Tabuan Lasa, kung saan huminto ang botohan bago magtanghali dahil tumakas ang mga botante sa lugar ng botohan dahil sa umano’y presensya ng mga armadong lalaki na nakapalibot sa buong lugar ng botohan o sa eskuwelahan.

Sa isa pang bayan sa Barangay Landugan, Munisipyo ng Lantawan, ilang lalaking nakamaskara na may hawak na matataas na armas ang umano’y pumasok sa lugar ng botohan, kinuha ang mga ballot box at mga balota, at ibinalik din kinaumagahan na napuno lahat.

Nakasaad din sa resolusyon na ang mga alegasyon ng iregularidad at anomalya ay hindi lamang nangyari sa Basilan, kundi sa ibang lugar sa Mindanao.

“In another area in Mindanao, a video was taken where an army officer was seen appearing to be in the act of interfering with the tasks of the Electoral Board by calling them one by one and asking them to do certain acts that are already beyond such officer’s mandate or jurisdiction,” ayon pa dito.

“In another province in Mindanao, a lawyer was prevented from performing his or her job because several men, presumably from the opposing party, prevented him or her from passing through and going to the polling place,” sabi ni Hataman.

Aniya, ang paglaganap ng umano’y pandaraya, anomalya at iregularidad sa halalan, ay lubhang nakakaalarma dahil magdududa ito sa integridad ng halalan at malalagay sa panganib ang buhay ng mga botante.

“With the nearing 2025 national and local elections, as well as the next 2025 barangay elections just around the corner, there is a need to investigate these allegations of electoral malpractices to prevent their recurrence by crafting new legislation, or amending and strengthening existing ones, as may be necessary,” nakasaad pa sa HR 1497.

Leave a comment