Pagmamalupit sa informal workers dapat na tuldukan — Sen. Marcos

Ni NOEL ABUEL

Kumpiyansa si Senador Imee Marcos na malapit nang maisapinal ng Senado ang isang international labor treaty na magbibigay ng parehong antas ng proteksyon sa mga informal workers at mga regular na empleyado laban sa pisikal, sekswal, psychological, at ekonomiyang pang-aabuso.

Sinabi ni Marcos, na siyang chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, na handa nitong irekomenda ang International Labor Organization Convention 190 sa plenaryo ng Senado matapos na makakuha ng buong pagsang-ayon mula sa mga pangunahing ahensiya ng gobyerno at mga non-governmental organizations sa pagdinig ng komite noong nakaraang linggo.

“Ang mga informal workers ay bumubuo ng 42 porsiyento ng lakas-paggawa ng bansa, karamihan sa kanila ay mga magsasaka, kasambahay, at mga gig workers sa mga industriya ng sining,” ayon sa senador.

Idinagdag ni Marcos na maaaring mas mataas pa ang bilang kung makakagawa ng isang tumpak na pambansang imbentaryo sa mga informal workers.

Paliwanag pa ng senador, kilala rin bilang Violence and Harassment Convention of 2019, ang ILO treaty na ito ay hindi tumutukoy sa teritoryal na lugar sa trabaho, kundi higit sa lahat sa kabuuuang mga trabaho sa buong mundo.

Ang pinalawak na kahulugan ng lugar ng trabaho ay nagpapalawak ng saklaw ng kasunduan, hindi lamang sa opisina kundi pati na rin ang mga lugar kung saan sila kumakain o nagpapahinga ang mga manggagawa, mga pasilidad para sa kalinisan at lugar kung saan nagpapalit ng damit, mga iniaalok na tirahan ng mga employer, mga lugar ng mga biyahe at social activities kaugnay ng trabaho, pati na rin ang mga virtual na spaces kung saan nagaganap ang mga komunikasyon o ugnayan tungkol sa trabaho.

Bukod sa mga informal workers, pinoprotektahan din ng kasunduan ang mga trainee, intern, apprentice, volunteer, aplikante ng trabaho, at mga manggagawang natanggal na sa kanilang trabaho.

Para sa ganap na pagsunod sa kasunduan, pinabubuo ni Marcos ang dalawang technical working group para matukoy kung aling mga pambansang batas ang dapat baguhin at upang mag-organisa ng isang mapagkakatiwalaang imbentaryo ng informal workers.

“Tatlumpu’t anim na bansa na ang nagratipika sa kasunduan at ang Pilipinas ay maaaring maging unang bansang Asyano na gagawa nito,” ayon pa kay Marcos.

Leave a comment