
Ni NOEL ABUEL
Inirekomenda ni Department of Health (DOH) Sec. Teodoro Javier Herbosa sa mga magdiriwang ng kabi-kabilang Christmas party at reunion na magsuot ng face mask dahil sa dumaraming kaso ng tinatamaan ng COVID-19 virus.
Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointment (CA) sa ad interim appointment nito, sinagot ni Herbosa ang tanong ni Senador Nancy Binay kung dapat nang magsuot muli ng face mask ang mga Filipino dahil ulat na nagkakaroon muli ng epekto ang COVID-19 virus.
Sabi ni Binay, ilan sa mga senador ang tinamaan na rin ng COVID-19 virus at marami pang indibiduwal ang nagkakasakit.
Ayon kay Herbosa, mahalaga na kung hindi maiiwasan ang mga Christmas party ngayong Kapaskuhan ay dapat na magsuot ng face mask ang lahat lalo na ang mga high risks, mga nakatatanda, gayundin sa mga kulob na mga lugar.
At kung may sakit na, sinabi ni Herbosa na dapat na hindi lumabas at huwag nang dumalo sa mga okasyon at manatili na lamang sa bahay at magpahinga.
Sinabi pa ni Herbosa na ngayong panahon ng Disyembre ay panahon ng respiratory illnesses.
Nabatid na isa si Senador Cynthia Villar ang nagkumpirmang nagpositibo ito sa COVID-19 virus noong nakalipas na Huwebes ng gabi ngunit ngayon ay nagnegatibo na ito sa antigen at naghihintay na lamang ito ng RTPCR result.
“I was positive last Thursday pm. I’m negative today as per antigen. I’m waiting for the RTPCR result,” sa viber message ni Villar.
Maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay nagpositibo na rin sa COVID-19 virus kung kaya’t nagpapahinga para gumaling agad.
