Badoy nagsinungaling, pina-contempt ng Kamara

Ni NOEL ABUEL

Nagdesisyon na rin ang House Committee on Legislative Franchises na ikulong ang anchor ng Sonshine Media Network International (SMNI) na si Lorraine Badoy matapos ma-cite in contempt dahil sa pagsisinungaling.

Base sa inaprubahang mosyon ng chairperson ng komite na si Parañaque City Rep. Gus Tambunting, si Badoy ay mananatili sa detention center ng Kamara hanggang sa maaprubahan ng plenaryo ang report na gagawin ng komite.

Si Manila Rep. Bienvenido Abante ang nag-mosyon para ipa-contempt si Badoy dahil sa hindi pagsasabi ng totoo sa detalye ng mga advertisement sa kaniyang programa na sinegundahan ni Antipolo City Rep. Romeo Acop ang mosyon.

“Section 11 refusal to answer in a relevant inquiry acting in a disrespectful manner because she was found lying, Mr. Chair, that would be my reason to make a motion to declare her in contempt,” sabi ni Abante matapos aprubahan ni Tambunting ang mosyon.

Pinagtibay rin ni Tambunting ang hiwalay na mosyon ni Abang Lingkod party list Rep. Joseph Stephen Paduano na madetine si Badoy hanggang sa maresolba sa plenaryo ang isyu patungkol sa pekeng balita na gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 billion sa kanyang mga biyahe at ang posibleng paglabag ng SMNI sa kanilang prangkisa.

Nauna nang na-cite in contempt ng komite ang co-anchor ni Badoy na si Jeffrey Celiz.

Maliban sa P100,000 na buwanang sweldo nina Badoy at Celiz, sinabi ng counsel ng SMNI na si Mark Tolentino na tumatanggap din si Badoy at Celiz ng tig-25% ng kita mula sa advertisement sa kaniyang programang Laban Kasama ang Bayan habang ang natitirang 50% ay sa SMNI.

Tinukoy ni Badoy ang e-fuel, food cart, at Galilee Water bilang advertiser ng kaniyang program matapos usisain ni Quezon Rep. David ‘Jayjay’ Suarez.

“Sa totoo lang, ang konti talaga ng sponsors d’yan because the anti-CPP works is not sexy nobody wants to touch it,” sabi ni Badoy.

Nabahala naman si Tambunting na walang alam si Badoy tungkol sa kaniyang advertisers.

“Hindi ba kung kayo ay may revenue dapat alam n’yo kung saan ang source ng revenue…. para alam n’yo na tama ‘yung 25% na makukuha nyo,” punto ni Tambunting.

“Mr. Chair, I honestly don’t care about the money. That’s the truth,” sagot ni Badoy.

Punto ni Tambunting dapat ay mas madaling matandaan ni Badoy ang kanilang mga advertiser kung kakaunti lang naman.

Sa pag-uusisa ni Suarez, sinabi ni Tolentino na walang advertiser ang naturang programa.

“Ano “yung sinabi ni Dr. Badoy na e-fuel, food cart, ano ‘yun?” tanong ni Suarez.

Tugon ni Tolentino, “[They are] advertisers not of ‘Laban Kasama ang Bayan’. It is an advertiser of a program prior to the program.”

Sinabi naman ni Santa Rosa Rep. Dan Fernandez na hindi makatotohanan ang mga dokumentong isinumite ng SMNI.

“Clearly nagsisinungaling kayo Ma’am Badoy, dahil ang sinasabi n’yo kumikita kayo sa pagiging co-producer pero hindi nakalista sa breakdown ng inyong revenue…. sabi mo may tatlong nag-a-advertise,” ani Fernandez.

Leave a comment