
Ni NERIO AGUAS
Minamadali na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matapos ang river embankment project na solusyon sa pagbaha sa mababang lugar sa Barangay Masgad sa bayan ng Malimono, Surigao del Norte.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, na base sa ulat mula sa DPWH Surigao del Norte 2nd District Engineering Office (DEO), ang kasalukuyang proyekto na sumasaklaw sa pagtatayo ng mga bank protection structures ay kasalukuyang 89 porsiyentong kumpleto.
May kahabaanng 737.74 metro, titiyakin ng proyekto ang tuluy-tuloy na daloy ng ilog at tubig-baha sa dagat, na mapipigilan ang pag-iipon ng mga debris at pagguho ng lupa sa lugar.
“We are working hard to complete this project on time, with the goal of having it operational by the first quarter of 2024,” sabi ni DPWH Surigao del Norte 2nd DEO District Engineer Marcelino M. Operario.
Nagsimula noong Mayo 2023, ang flood-control project sa Barangay Masgad na nagkakahalaga ng P96.5 milyon, ay inaasahang matatapos sa Pebrero 2024.
