
Ni NOEL ABUEL
Pinasisiguro ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kumikilos at nagsasagawa ng inspeksiyon at audit ng mga imprastraktura sa buong bansa dahil sa sunud-sunod na paglindol.
“Nitong nakaraang linggo lang ay niyanig tayo ng mga lindol, some worse than others. We have to ensure that there is none to little damage to our infrastructure and of course, our people,” sabi ng chairman ng Committee on Public Works.
Magkakasunod na lindol ang tumama sa bansa na nakaapekto mula Mindanao hanggang Luzon.
Ang Surigao ay niyanig ng 7.6 magnitude earthquake noong Disyembre 2, 2023 at ang Occidental Mindoro ay tinamaan naman ng 5.9 magnitude earthquake nito lamang Disyembre 5 na naramdaman hanggang Metro Manila na nagdulot ng evacuation sa mga gusali at pagtigil ng operasyon ng transportasyon.
Binigyang diin ni Revilla ang malaking responsabilidad ng DPWH na matiyak ang kaligtasan ng publiko makaraan ang mga pagyanig kaya kailangang agad na kumilos.
“Tuluy-tuloy naman ang pag-inspeksiyon ng DPWH, pero heto at sunud-sunod din ang paglindol. We have to be sure that when a strong one hits, we are ready at walang mapipinsala,” paliwanag pa ni Revilla.
