P10,000 cash gift tatanggapin ng senior citizen kapag umabot ng 80-anyos hanggang 95-anyos

Ni NOEL ABUEL

Nagkasundo ang Senado at Kamara sa magkaibang bersyon ng Centenarians Act na naglalayong makatanggap ng cash gift ang mga senior citizens na makakaabot ng 80-anyos hanggang 100-taong gulang.

Sa bicameral conference committee sa inamiyendahang sa Centenarians Act, matagumpay na nagkasundo ang mga senador at kongresista.

“I thank and congratulate the Senate panel led by Senator Imee R. Marcos for working in close tandem with our House of Representatives panel,” sabi ni Senior Citizens party list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes.

Kapwa nagkasundo ang mga senador at kongresista na itakda sa P10,000 ang tatangaping cash gift sa mga Filipino seniors sa sandaling umabot ang mga ito ng 80-anyos, 85-anyos, 90-anyos, at 95-anyos.

At sa loob ng isang taon mula nang umabot sa 100-anyos ang isang senior citizen, makakatanggap ito ng P100,000 cash gift.

“And within one year from when the senior reaches age 100, the senior would receive a P100,000 cash gift. It was ultimately the fiscally responsible decision to ensure the sustainability of the amendments’ funding in the coming years,” ayon sa bicam report.

Nabatid na sumang-ayon ang mga kongresista sa Senate conferees sa pangangailangan para sa Senate-proposed Elderly Data Management System.

Sumang-ayon ang Senado na i-adopt ang titulo ng House Bill No. 7535 bilang bagong titulo ng reconciled bill at ang Senate Bill 2028 ay napagkasunduan sa bicam working draft.

Sa paggawa sa pinagkasundo na panukalang batas, ang mga susunod na hakbang ay ang pagpapatibay ng parehong Kongreso at pagkatapos ay ipadala ang panukalang batas sa Malacañang sa paglagda.

Maghahanap din ang Kamara at Senado ng mga paraan upang matiyak na matutukoy ang pinagmumulan ng pondo upang matiyak ang pagpapatupad nito.

Leave a comment