Pagpapalakas ng NTF-ELCAC ipinanawagan; Pagsusulong ng rebel returnees programs ituloy

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

“Masakit makitang mga Pilipino ay nagpapatayan sa kapwa nila Pilipino dahil lang sa magkaibang paniniwala”.

Ito ang pahayag ni Senador Christopher “Bong” Go, vice chair ng Senate Committee on National Defense, kung saan itinutulak nito ang pagpapahusay sa programa at serbisyo ng pamahalaan para sa mga dating rebelde na nagbalik-loob.

Ayon sa senador, bago pa man ito mahalal sa Senado, naging saksi ito sa mga ugat ng rebelyon sa Pilipinas, mahigit dalawang dekada nang nagsilbi kay dating Pangulong Rodrigo Duterte simula noong alkalde pa ng Davao City ang huli.

“Kadalasang rason bakit merong namumundok na mga kapatid nating Pilipino ay dahil sa sobrang kahirapan, at ang paniniwala nila na pinapababayaan na sila ng gobyerno, lalo na ‘yung mga kababayan nating nasa liblib na mga lugar,” sabi ni Go.

“Kaya nga dapat maresolbahan natin ang isyu sa kahirapan, mahalaga na walang pamilyang nagugutom at natutulog sa gabi na walang laman ang tiyan. Dito papasok ang mga kabuhayan programs natin. At kailangang mas lalong ilapit natin ang mga serbisyo ng pamahalaan sa kanila, lalo na ‘yung mga hopeless and helpless, mga mahihirap na wala nang ibang malalapitan kundi ang gobyerno,” paliwanag pa ni Go, na miyembro rin ng Senate Committee on Social Justice.

Ipinaliwanag ni Go ang kahalagahan ng Balik-Loob Program sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), na naglalayong muling isama ang mga dating rebelde sa mainstream society sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong at legal na proteksyon.

“Government programs and services must be felt in the grassroots and in every community so that no one will be left behind towards development. Through these initiatives, the government can show its sincerity in uplifting lives and promoting peace,” aniya.

“Marami nang mga magagandang programang nasimulan noong panahon ni dating Pangulong Duterte through our whole-of-nation approach para maresolba ang insurgency problem sa bansa. Huwag sana nating sayangin ang mga magagandang nasimulan na ito. Mas palakasin pa dapat,” dagdag pa ni Go.

Leave a comment