
Ni NERIO AGUAS
Nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga bibiyahe palabas o papasok ng Pilipinas na siguruhin na magpaparehistro sa one-stop electronic travel declaration system (eTravel).
Ayon sa BI, sa gitna ng Kapaskuhan, inaasahan ang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista kung kaya’t upang pamadali ang proseso ay dapat na magpatala ang lahat ng foreign nationals sa eTravel.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang lahat ng paparating at papaalis na mga pasahero ay dapat magparehistro sa eTravel dahil ito ay kinakailangan para sa pagsasagawa ng mga pormalidad sa mga immigration officers na namamahala sa mga BI counter sa mga internasyonal na paliparan at daungan.
Ayon pa sa opisyal, ang pagpaparehistro ng etravel, na maaaring gawin sa pamamagitan ng eGov PH App o sa pamamagitan ng website ng gobyerno na https://etravel.gov.ph, ay nagpapalakas sa mga border control services at nagreresulta sa tuluy-tuloy na karanasan sa paglalakbay para sa publiko.
Hinikayat pa ng BI chief ang mga airlines na makipagtulungan sa pagpapatupad ng proyekto, at idinagdag na ang mga airline company ay responsable sa pagpapayo sa kanilang mga customer na ang pagpaparehistro sa eTravel system ay mandatory.
“We have sent reminders to airline companies to remind passengers to register on the eTravel platform prior to arrival or departure from the country,” sabi ni Tansingco.
Idinagdag nito na nakatakda silang bumili ng mga eTravel kiosk upang payagan ang mga indibidwal na walang access sa smartphone o internet na makapagrehistro sa on the spot.
Sa ilalim ng mga alituntunin, ang mga kinakailangang magparehistro sa eTravel ay ang mga paparating na Filipino at dayuhang tripulante at pasahero, gayundin ang mga papaalis na pasaherong Pilipino.
Ang mga pasaherong exempted sa pagpaparehistro ay mga dayuhang diplomat at kanilang mga dependent; mga foreign dignitaries at miyembro ng kanilang delegasyon; may hawak ng 9(e) diplomatic visas; at ng diplomatic and official/service passports.
Inilunsad ilang buwan na ang nakalipas, ang eTravel ay isang pinagsamang proyekto ng BI, Department of Information and Communication Techonology (DICT), Department of Tourism (DOT), at iba pang ahensya ng gobyerno at stakeholders sa travel and tourism industry.
Pinalitan ng eTravel ang arrival at departure card na kailangang punan ng BI ng mga international passengers bago ma-clear ng BI officer.
Binabawasan nito ang mga kinakailangan na nakabatay sa papel sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng pangangailangan ng data sa isang pinagsamang platform.
