27 Filipino nasagip sa Cambodia

BI Commissioner Norman Tansingco

Ni NERIO AGUAS

Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Filipino na mag-ingat sa mga inaalok na trabaho sa ibang bansa posibleng mabiktima ng human trafficking.

Binalaan ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga aspiring overseas workers na huwag tumanggap ng mga alok na trabaho sa ibang bansa sa Asya bilang mga call center agent.

Ang panibagong babala ay kasunod ng pagpapauwi ng 27 Pilipino mula sa Phnom Penh, Cambodia noong Disyembre 8 matapos iligtas mula sa kanilang mga traffickers.

Base sa ulat, 12 sa 27 pasahero ang umalis nang ilegal sa pamamagitan ng bangka mula Zamboanga, na umiwas sa immigration inspection.

Naglakbay umano ang mga ito ng 11 oras mula Zamboanga hanggang Sabah, Malaysia, bago lumipat sa Cambodia.

Ang iba pang 14 ay umalis bilang mga regular na turista, na sinasabing sila ay naglakbay sa ibang bansa para sa isang holiday.

Ang isa sa mga na-repatriate ay isang empleyado ng gobyerno, habang ang iba ay nagkaroon ng panandaliang paglalakbay, naglalakbay kasama ang mga kaibigan, kasosyo, o employer, o nakakuha ng trabaho.

Isa lamang ang umalis bilang isang dokumentadong overseas Filipino worker (OFW), ngunit papunta umano sa Palau at hindi sa Cambodia.

Sinabi ni Tansingco na ang bagong batch ng mga repatriates ay kadalasang umalis sa katapusan ng 2022 o unang kalahati ng 2023, na aniya ay nangangahulugan na ang sindikato ay hindi tumigil sa pagtanggap ng mga bagong recruit sa kabila ng maraming babala na ipinalabas ng gobyerno ng Pilipinas.

“We have warned about this syndicate as early as October last year. It has been more than a year and we are still seeing victims being duped in accepting their fake offers,” sabi ni Tansingco.

Ikinuwento ng 27 biktima ang pagtakas sa kanilang trabaho ss ibang bansa, kung saan napilitan umano ang mga itong magtrabaho bilang mga love scammers, na target ang mga matatandang lalaki na naninirahan sa United Kingdom.

Ang ilan sa kanila ay nakaranas ng pang-aabuso at pagpapahirap sa lugar ng trabaho, at kalaunan ay ibinenta ng kanilang mga amo na Tsino sa ibang kumpanya.

Sa kabutihang palad, nailigtas sila ng mga pulis ng Cambodian sa kanilang paglilipat matapos ibenta at kalaunan ay tinulungan sila ng Konsulado ng Pilipinas sa Phnom Penh.

“Imagine being a professional here but ended up being sold like a slave abroad. These are the real stories that we have been hearing every day, yet people continue to say yes to this,” sabi ng BI chief.

Ang nasabing mga biktima ay inasistehan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Migrant Workers (DMW), at ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos dumaan sa immigration clearance.

Leave a comment