Paulit-ulit na isyu ng pagkakaantala ng ODA-funded projects ikinabahala ng senador

Senador Win Gatchalian at Rep. Gloria Macapagal- Arroyo

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Win Gatchalian sa paulit-ulit na isyu ng pagkakaantala ng mga overseas development assistance (ODA) projects na sumusuporta sa pag-unlad ng ekonomiya.

“Ang napapanahong pagsasagawa ng mga proyekto ng ODA ay hindi lamang tumutugon sa mga mahigpit na pangangailangan sa pag-unlad ngunit, ito rin ay nagpapahiwatig ng isang responsableng pamamahala,” sabi ni Gatchalian.

“Sinisiguro nito na maayos na ginagamit ang perang pinaghirapan ng mga taxpayers, na nagreresulta sa kongkreto at pangmatagalang pagpapabuti sa imprastraktura, kalusugan, at kabuuang kalagayan sa buhay,” dagdag nito.

Base sa pinakahuling Congressional Oversight Committee on the Official Development Assistance (COCODA) meeting, na pinamumunuan nina Gatchalian at Pampanga 2nd District Rep. Gloria Arroyo, sinabi ng senador na karamihan sa mga rekomendasyon para matugunan ang mga pagkaantala sa pagpapatupad ng ODA projects ay ayusin ang palpak na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensyang nagpapatupad.

“Kung titingnan ang ilan sa mga rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA), ang mga isyu ng “delay” o “timing” sa pagsasagawa ng ODA projects ay nasa kontrol na ng executive department at dapat maging bahagi na ang mga ito ng pang-araw-araw na operasyon ng mga ahensyang nagpapatupad,” pagpuna ni Gatchalian, sabay banggit ang matagal na pagproseso ng mga permit ng mga ahensya ng gobyerno bilang isang halimbawang nagpapaantala sa ilang ODA-funded projects.

Sinabi rin ni Gatchalian na ang paulit-ulit na isyu ng right-of-way (ROW) ay isa pang dahilan ng delayed ODA-funded projects.

“Nakakadismaya na ang mga simpleng responsibilidad ay hindi man lang magampanan. Expected na alam n’yo na ‘yung batas at alam n’yo ‘yung proseso. Ito ay inaasahan sa anumang ahensyang nagpapatupad. Paano nauulit ang mga problemang ito?” tanong ni Gatchalian sa ilang implementing agencies gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr).

Ayon sa NEDA, noong Disyembre 2022 ay may naitalang 48 na tinatawag na active ODA-funded projects na na-delay, kung saan ang iba ay hindi na itinuloy.

Leave a comment