
Ni NOEL ABUEL
Inihain ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng mandatory GSIS coverage ang mga opisyal ng barangay sa bansa.
Sa House Bill 9638 o ang Mandatory GSIS Coverage for Barangay Officials Act, layon nito ang isama ang mga opisyal ng barangay sa Government Service Insurance System (GSIS) at tiyaking matatanggap ang parehong benepisyo gaya ng ibang mga manggagawa sa gobyerno.
“With over 42,000 barangays in the Philippines, these local units, led by the punong barangay and supported by council members, are the backbone of our decentralized local government system. Despite their crucial contributions to community development, public order, and safety, barangay officials are yet to be formally acknowledged as government employees and do not enjoy the same benefits, thus I hope this bill will gain the support of our lawmakers and will become a law,” paliwanag ni Magsino.
Ang iminungkahing batas ay nagdidikta ng compulsory membership ng mga opisyal ng barangay sa GSIS sa ilalim ng Section 3 ng Presidential Decree No. 1146, na sinususugan ng Republic Act No. 8291, na pinamagatang Government Service Insurance Act of 1997.
Ang GSIS ay inaatasan na bumuo at mangasiwa ng isang espesyal na programa ng social security para sa mga opisyal ng barangay, na isinasaalang-alang ang kalikasan at katangian ng kanilang trabaho.
Ang programa ay inaasahang magkaroon ng iba’t ibang kontribusyon at benepisyo, na tinitiyak ang pagiging patas, pantay, at aktuwal na posibilidad.
Sa kaso ng mga opisyal ng barangay, ang mga ito ay itinuring na mga self-employed na miyembro para sa pag-compute ng kanilang kontribusyon sa GSIS.
Higit pa rito, kapag ang kompensasyon o suweldo ay ipinagkaloob sa kanila ng batas, ito rin ang magiging batayan para sa pagkalkula ng kanilang kontribusyon sa sistema.
Bukod pa rito, iminungkahi ni Magsino na ang mga katapat na kontribusyon ng employer ng mga opisyal ng barangay ay ipapataw sa regular na pondo ng kani-kanilang barangay political units.
Ang suportang pinansyal, kabilang ang mga subsidy mula sa national government ay para sa ilang mga munisipalidad at mga potensyal na subsidy mula sa mga lalawigan, lungsod, o munisipalidad, ay inaasahang magpapahusay sa buong suporta.
“By allowing our barangay officials to enjoy the benefit of being GSIS members, we are not only acknowledging their vital role, but also strengthening the frontlines of local governance by enticing competent individuals to serve at the barangay level through this additional benefit,” sabi pa ni Magsino.
