Sen. Go sa DOH: Maghanda sa pagdami ng flu-like cases sa bansa

Ni NOEL ABUEL

Pinatitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go sa Department of Health (DOH) na maghanda sa patuloy na pagdami ng naitatalang flu-like cases sa buong bansa.

Sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Health, kailangang madaliin ang paghahanda at pagtugon sa napaulat na pagtaas ng mga kaso ng trangkaso sa Pilipinas.

Aniya, ang paalala na ito ay dumating sa gitna ng mga alalahanin tungkol sa dumaraming mga sakit sa paghinga sa ibang mga rehiyon mula noong kalagitnaan ng Oktubre, lalo na sa mga bata.

Binigyan-diin nito ang kritikal na kahalagahan ng kalusugan, itinutumbas ito sa buhay ng bawat Pilipino, at iginiit ang pangangailangan para sa DOH na maging handa.

“Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino,” sabi ni Go.

Dinagdag pa ni Go ang mga panukalang batas na inihain nito sa Senado upang mapabuti ang imprastraktura sa kalusugan ng bansa at kapasidad na pangasiwaan ang mga nakakahawang sakit.

“Unang-una pa lang noong 18th Congress nag-file na po ako ng bill na creating the Virology Institute. Ito ‘yung sana po may kakayahan na rin po tayong gumawa ng sariling bakuna , at saka ‘yung bill na Center for Disease Control, eto po ‘yung monitoring ng mga infectious diseases,” ani Go.

Sinabi pa nito ang kahalagahan ng pagiging maagap at handa at dapat na kumuha ng mga aral mula sa mga hamon na kinakaharap sa mga unang yugto ng COVID-19 pandemic.

“The more we should invest sa ating healthcare system, the more we should invest dito na magkaroon tayo ng sariling Center for Disease Control at ito pong Virology Science and Technology Institute,” ayon pa kay Go.

Leave a comment