
Ni NOEL ABUEL
Hindi dapat na isantabi at ipagwalang-bahala ng Department of Education (DepEd) at ng pamahalaan ang naitalang mababang antas ng edukasyon sa bansa.
Ayon kay Batangas 2nd district Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, kailangang magtulungan ang mga opisyal ng edukasyon at magsama-sama, mag-assess, mag-analisa at maunawaan nang maayos ang problemang ito.
“Pag-isipang mabuti para sa mga pangmatagalang solusyon. Dapat ay walang band aid o kneejerk na mga remedyo,” aniya.
Sa kanyang privilege speech, kaugnay sa agarang pangangailangan para sa pagkilos upang mapabuti ang mga pamantayang pang-edukasyon at pagganap sa mga paksa ng pagbasa, matematika at agham.
Aniya, ito ay dahil umano sa napakalungkot na kinalabasan ng 2022 Program for International Student Assessment (Pisa) study.
“After the 2018 Pisa results came out, the Department of Education (DepEd) said that it will undertake measures to improve the average scores of Filipino students. After 4 years, the average 2022 Pisa results were about the same, if not worse in some aspects,” ayon kay Luistro.
Sa mathematics, ang Pilipinas ay nasa pang-6 sa hulihan ng 81 bansa kung saan nakapagtala lamang ito ng 355 puntos na malayo sa Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) average na 472.
Habang sa reading, bumagsak din sa ika-6 sa hulihan ang bansa samantalang ikatlo naman sa huli sa science.
Tanging 16% lamang aniya ng mga mag-aaral ang nakakuha ng hindi bababa sa Level 2 na kasanayan sa matematika, o interpretasyon at pagkilala, nang walang direktang tagubilin, kung paano mairepresenta sa matematika ang isang simpleng sitwasyon.
Ito aniya ay mas mababa sa average na OECD na 69% at halos walang mga estudyanteng Pilipino ang nagkamit ng Level 5 o 6 sa matematika.
Humigit-kumulang 24% at 23% ng mga mag-aaral ang naabot ang basic Level 2 at sa reading at science ayon sa pagkakabanggit.
Kabaligtaran ito sa OECD average na 74% para sa reading at 76% para sa science at wala ring top performers sa 2 subject na ito.
“This is a problem that cannot just be overlooked and set aside. We cannot allow it to fester. Our education officials should get together, assess, analyze and understand this problem properly. Ponder and think very hard for long term solutions. There should be no band aid or kneejerk remedies,” ayon sa kongresista.
Ang kakulangan ng malaking pag-unlad ay nagpapahiwatig na ang DepEd, gayundin ang Commission on Higher Education (CHED), ay kailangang paigtingin ang kanilang pagsisikap.
“They must prioritize the review and updating of the K-12 curriculum. There must be an upgrading of our learning facilities with massive resources allocated form the annual national budget. Our educators should go through upskilling and reskilling with effective professional development programs,” sabi ni Luistro.
“We must closely examine the educational practices of high-performing countries in the Pisa study, such as Singapore, Macao (China), Japan, Hong Kong, Chinese Taipei, and Estonia. By understanding and adapting successful strategies from these nations, we can pave the way for the holistic transformation of our education system,” dagdag nito.
