
Ni NERIO AGUAS
Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay na biktima ng illegal recruitment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ang biktima, na itinago ang tunay na pagkakakilanlan, ay umamin na nakumbinse itong magtrabaho sa ibang bansa ng nakilala nitong babae sa isang bar tatlong buwan na ang nakalilipas.
Una nitong sinabi na maglalakbay ito sa Hong Kong para sa isang bakasyon ngunit kalaunan ay natuklasan ng mga BI officers na ang mga dokumentong ipinakita nito ay pawang peke.
Sa huli ay inamin ng biktima na ipinadala lamang sa kanya ang kanyang travel documents ng kanyang recruiter noong gabi bago ang kanyang flight at hindi na niya ito makontak.
Ayon sa salaysay ng biktima, papunta umano ito sa Hong Kong para magtrabaho bilang club freelancer habang ginagamit ang Malaysia at Singapore para makalabas at makapasok sa Hong Kong para mag-renew ng kanyang visa.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang insidente ay magsilbi na sanang paalala sa publiko na mag-ingat sa mga human traffickers.
“We vehemently condemn the despicable acts of human traffickers and illegal recruiters who exploit the vulnerable. We call on the public to be vigilant and report any suspicious activities to help us in our collective efforts against these criminal enterprises,” sabi ni Tansingco.
Agad na dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang biktima para sa karagdagang imbestigasyon.
