Proteksyon sa cyberbullying sa mga kabataan inihain sa Kamara ng OFW party list

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pangamba ang isang kongresista sa dumaraming kaso ng cyberbullying sa bansa partikular sa mga kabataan.

Ayon kay OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, dapat nang mapigilan ang mga pang-aabuso sa mga kabataan na nagdudulot ng pinsala sa emosyon at pisikal sa mga nakakaranas nito.

Ito ang dahilan upang ihain ni Magsino ang House Bill No. 9771 o ang ‘Anti-Cyberbullying Against Children Act’, na naglalayong tugunan ang tumitinding isyu ng cyberbullying, na kinikilala ang sikolohikal at emosyonal na pinsalang idinudulot nito sa mga bata na lubhang mahina sa mga pag-atakeng ito at sa kanilang mga mapanirang epekto.

Binigyan-diin ng mambabatas ang pangangailangan ng isang komprehensibong batas upang kontrahin ang masasakit na salita at protektahan ang mga bata online mula sa mga masasamang epekto ng cyberbullying, na maaaring humantong sa pagkabalisa, takot, depresyon, mababang pagpapahalaga sa sarili, mga isyu sa pag-uugali, at academic struggles.

“Bullying, in general, can have physical and psychological effects on our children. However, cyberbullying may be particularly damaging because unlike traditional bullying — which is often limited to schools and known bullies — cyberbullying can occur at any time and be perpetrated by anonymous sources. This makes it more relentless, and often more ruthless, as well as difficult to complain about, especially for children,” sabi pa ni Magsino.

Ang paglaban sa cyberbullying ay isang adbokasiya ni Magsino bilang ambassador ng Sunfull Foundation, isang non-governmental na organization (NGOs) na itinatag noong 2007 sa South Korea na nagsimula sa Sunfull Internet Peace Movement, na gumagana upang labanan ang cyberbullying, mapait na salita at paglabag sa karapatang pantao sa internet.

Itinalaga rin ng Sunfull Foundation ang OFW Party List Secretary General, Ms. Princess Adriano, bilang Sunfull Ambassador for Social Media bilang pagkilala sa kanyang napakahalagang tungkulin bilang isa sa mga sikat na “influencer” sa kabataang Pilipino.

“It is imperative for the government to intensify its commitment to online safety and to protect Filipino children against cyberbullying. The youth now belong to a digital generation; the world is literally at their fingertips. But this digital world has become difficult to navigate because of hate speech and cyberbullying,” ani Magsino.

Pahayag pa ng kongresista, sa kabila ng may mga batas tulad ng Republic Act No. 10627 o ‘Anti-Bullying Act of 2013’ and cybercrime (Republic Act No. 10175, ‘Anti-Cybercrime Act of 2012’), ang panukalang batas ay partikular na tutukuyin ang cyberbullying laban sa mga kabataan.

Ang panukalang batas ay nagbabalangkas ng mga parusa, kabilang ang pagkalat ng kasinungalingan, pagbabahagi ng mapaminsalang nilalaman, mga mapanirang pahayag, pagpapanggap, at iba pang mga gawa na nagdudulot ng pinsala sa sikolohikal na kagalingan ng isang bata.

Sakaling maging batas, ang parusa at pagkakakulong at multang idedetermina ng korte at base sa itinatakda ng ‘Anti-Cybercrime Act of 2012’.

Leave a comment