Wanted na South Korean arestado sa BI head office

Ang wanted na South Korean (nasa kanan) habang inaaresto ng mga tauhan ng BI sa loob ng tanggapan ng ahensya.

Ni NERIO AGUAS

Kalaboso ang isang South Korean na wanted sa bansa nito makaraang tangkaing mag-renew ng visa nito sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros, Manila.

Hindi na nakapalag pa nang areatuhin ng mga tauhan ng BI ang dayuhan na si Oh Myunggyun, 49-anyos.

Ayon kay BI tourist visa section (TVS) chief Raymond Remigio, inaresto ang nasabing dayuhan nang matuklasan ng mga tauhan nitong sina Mark Vallejo at Lourdes Maliksi na may active derogatory record si Oh.

Sa record, si Oh ay may summary deportation order na inisyu ng BI matapos na makasuhan dahil sa pagiging isang takas mula sa hustisya.

Ang isang warrant of arrest laban kay Oh ay inisyu ng gobyerno ng Korea para sa illegal na gawain nito kabilang ang commercial sex acts, at ang kanyang pasaporte ay binawi na.

Pansamantala nang nakadetine sa BI holding facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang nasabing dayuhan.

Pinuri ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga tauhan nito sa pag-aresto at binalaan ang mga dayuhan na huwag magtangkang gamitin ang bansa para makaiwas sa kanilang mga krimen.

“We have close coordination with foreign governments who send us information about wanted fugitives. These fugitives face arrest, deportation and blacklisting,” babala nito.

Leave a comment