
Ni NERIO AGUAS
Inilabas na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa CARAGA motu proprio ang Wage Order No. RXIII-18 na nagbibigay ng karagdagang P20 sa arawang sahod sa lahat ng sektor, at karagdagang P15 sa ikalawang bahagi sa Mayo 1, 2024.
Dahil dito, magiging P385 na ang arawang minimum na sahod sa nasabing rehiyon sa pagpapatupad ng dalawang tranches.
Inilabas din ng RTWPB CARAGA motu propio ang Wage Order No. RXIII-DW-04 na nagbibigay ng karagdang P1,000 sa buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay, kung saan magiging P5,000 ang buwanang minimum na sahod sa rehiyon.
Naglabas din ang RTWPB NCR motu proprio ng Wage Order No. NCR-DW-04 noong Disyembre 12, 2023, na nagbibigay ng karagdagang P500 sa buwanang minimum na sahod ng mga kasambahay, kung saan ang bagong buwanang sahod ay magiging P6,500.
Alinsunod sa mga umiiral na batas at pamantayan, isinumite ang mga wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagsusuri at pinagtibay ang mga ito noong Disyembre 13, 2023.
Inilathala ang wage order ng CARAGA noong ika-16 ng Disyembre 2023 at magkakabisa pagkatapos ng 15 araw mula sa kanilang publikasyon, o sa ika-1 ng Enero 2024. Sa kabilang banda, ang wage order para sa mga kasambahay ng NCR ay inilathala sa Disyembre 18, 2023 at magkakabisa sa Enero, 3 2024.
Isinasaalang-alang ang pagtaas ng sahod na ibinigay sa Wage Order No. RXIII-18 ang iba’t ibang pamantayan sa pagpapasiya ng sahod na nakasaad sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act.
Ang Regional Board, na binubuo ng mga kinatawan mula sa pamahalaan, mamumuhunan, at sektor ng paggawa, ay nagsagawa ng serye ng mga pampublikong pagdinig sa Surigao del Norte, Siargao Islands at Dinagat Islands, Agusan del Sur, Surigao del Sur, at Agusan del Norte noong Nobyembre 2023, at isang wage deliberation noong Disyembre 5, 2023.
Nagsagawa rin ng pampublikong pagdinig ang RTWPB NCR noong Nobyembre 22, 2023 sa Pasay City at wage deliberation noong Disyembre 12, 2023.
Itinatataas ng 10% ang bagong rate sa arawang minimum na sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa rehiyon ng CARAGA at nangangahulugan din ito ng 23% na pagtaas sa mga benepisyong may kinalaman sa sahod na sumasaklaw sa 13th-month pay, service incentive leave (SIL) at social security benefit tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Inaasahang direktang makikinabang sa Wage Order No. RXIII-18 ang 65,681 manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod sa CARAGA Region.
Humigit-kumulang sa 132,217 na full-time wage at salary workers na kumikita ng higit sa minimum na sahod ay maaari ring makikinabang bilang resulta ng pataas na pagsasaayos sa antas ng negosyo na nagmumula sa pagwawasto ng wage distortion.
Sa kabilang banda, inaasahang makikinabang sa pagtaas ng sahod sa CARAGA at NCR ang kabuuang 256,476 kasambahay – kung saan tinatayang 57% (146,202) sa kanila ay nasa live-in arrangement.
Tulad ng alinmang wage order, at gaya ng itinatakda sa NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, ang mga retail/service establishment na may manggagawa na hindi hihigit sa sampu (10), at mga negosyong naapektuhan ng natural na kalamidad o gawa ng tao ay maaaring mag-apply sa RTWPB ng exemption mula sa pagtaas ng sahod.
Hindi sakop ng batas sa minimum na sahod ang mga Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) alinsunod sa Republic Act No. 9178 [2002].
Magsasagawa ng information campaign ang RTWPB-CARAGA upang matiyak ang pagsunod at magbigay ng tulong sa mga kumpanya sa pagwawasto ng wage distortion mula sa implementasyon ng Wage Order No. RXIII-18.
Para sa aplikasyon ng exemption at karagdagang paglilinaw mula sa wage order, maaari ding mag-email sa RTWPB sa rb13@nwpc.dole.gov.ph.
Ang huling wage order para sa mga manggagawa sa pribadong establisimiyento at mga kasambahay sa CARAGA ay parehong inilabas noong Mayo 17, 2022 at naging epektibo noong Hunyo 6, 2022.
Habang ang huling wage order para sa mga kasambahay sa NCR ay inilabas noong Hunyo 21, 2022 at naging epektibo noong Hulyo 13, 2022.
