
Ni NERIO AGUAS
Naglabas ng abiso ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers na siguruhin na babayaran ang special non-working day sa Disyembre 26, 2023.
Sa Labor Advisory No. 28, Series of 2023 na nagsasaad ng wastong pagbabayad ng sahod para sa special (non-working) day sa ika-26 ng Disyembre.
Sa nilagdaan kautusan ni DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma noong Disyembre 14, alinsunod sa Proclamation No. 425, na nagdedeklara sa ika-26 ng Disyembre bilang special (non-working) day sa buong bansa.
Nakasaad sa labor advisory na ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kumpanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.
Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.
Para sa mga empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, dapat silang bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras; habang ang nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw.
Para sa karagdagang katanungan sa wastong pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DOLE Hotline 1349 sa sandaling mabigo ang mga employers na magbayad ng kaukulang sahod.
Maaari rin tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang sinuman para magreklamo.
Gayundin maaaring magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa hotline1349@dole.gov.ph o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.
