
Ni NOEL ABUEL
Pinawi ni Senador Chiz Escudero ang pangamba ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na maaapektuhan ang suweldo at benepisyo ng mga ito sa nakatakdang pagpasa sa 2024 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon sa senador, walang dapat na ipagwalang-bahala ang BI personnel sa
probisyon 2024 GAB na nagpapahintulot sa reimbursement ng libu-libong pasaherong naiwan sa kanilang flight dahil sa mahabang immigration assessment.
Tugon na rin ito ni Escudero sa naglabasang pahayag sa social media account partikular sa X (dating Twitter) kung saan wala aniya sa 2024 GAB na nagsasaad na ang pondong gagamitin sa pagbababayad sa mga na-offload na pasahero ay kukunin sa suweldo at augmentation allowances ng BI employees.
“Any diminution from the salary and augmentation of BI personnel is illegal and unauthorized,” sabi ni Escudero na inulit na batay sa kanyang panukala na pinagtibay sa huling GAB, ang reimbursement fund ay magmumula sa sobrang kita ng BI na ibinabalik taun-taon sa National Treasury.
“The money to refund offloaded passengers will not come from/nor will it be deducted from BI personnel. I will look closely into this to ensure that the intent and mandate of Congress regarding this is followed to the letter,” pahayag pa ni Escudero.
Nauna rito, sinabi ni Escudero na ang panukalang pagbabayad ay hindi na mangangailangan ng karagdagang budgetary requirement dahil ang pera ay kukunin sa kinita ng BI mula sa mga koleksyon nito.
“Ang ginalaw ko lamang na pondo ay iyong 10 percent na nakokolekta ng Bureau of Immigration na hindi naman nila nagagamit at binabalik naman nila kada taon sa National Treasury,” ani Escudero.
“Ang overtime pay ng ating mga immigration officers, mga ibang gastusin ng BI para maayos ang kanilang computers, camera at iba pang mga gamit ay hindi ko naman po ginalaw iyun. So walang nabawasan, walang nasaktan. Ika nga, imbes na bumalik sa Treasury, eh ‘di ibigay na lang natin sa mga na-offload ng walang sapat na basehan,” dagdag pa nito.
Base sa record ng BI, aabot sa kabuuang 32,404 Filipino passengers ang hindi pinayagan na makaalis ng bansa noong nakaraang taon kung saan kasama rito ang 472 na natuklasang biktima ng human trafficking o illegal recruitment.
Umaasa si Escudero na hindi ibe-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang probisyon sa GAB, na nakatakdang pirmahan bilang batas sa Disyembre 20, ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
