
Ni NOEL ABUEL
Sa kabila ng patuloy na nadadagdagan ang bilang ng tinatamaan ng COVID-19 virus sa buong bansa ay hindi pa rin nababahala ang Department of Health (DOH).
Sa ambush interview kay DOH Sec. Ted Herbosa, matapos ang pagdinig ng Senate Committee on Health, sinabi ng kalihim na bagama’t umabot na sa mahigit sa 200 ang bilang ng COVID-19 cases ay wala pa ring outbreak sa kasalukuyan
“Merong slight increase kaya nababahala ang ibang tao, pero manageable pa rin siya,” sabi ni Herbosa sa tanong kung dapat nang mabahala ang taumbayan sa pagdami ng kaso ng COVID-19.
Paliwanag pa ng kalihim, hindi dapat na problemahin ang bilang ng kaso ng COVID-19 kung hindi ang trend nito.
“Nadagdagan ng konti, huwag tayong mag-concentrate sa numbers, ang tinitingnan diyan sa epidemiologic surveillance ay trends. Not the actual numbers but the trends if it’s going up? Is it bigger than last year on the same time?” sabi nito.
“Tapos tinitingnan din ang situation kasi last year lahat tayo naka-mask so pwedeng mas mataas ngayon. Very important ang analytics and interpretation ng mga data. So ang recommendation ko sa media huwag ninyong i-bother ‘yung data, ‘yung numbers, kami ang bahalang mag-intepret nu’n, epidemiologists and we will tell you kung meron tayong outbreak, pero as of now wala pang outbreak. It still the normal endemic increase of respiratory illnesses,” paliwanag pa ng kalihim.
Aniya, sadyang inaasahan ang pagdami ng tinatamaan ng COVID, influenza, pneumonia dahil sa maraming Christmas party, family gatherings and reunion.
“Talagang tataas ‘yan dahil sa maraming party, family reunion. The same warning to everybody for influenza like illness, acute respiratory inspection, pati TB, by respiratory tract. ‘Yung mask pa rin ang best prevention. Good ventilation and open windows,” dagdag pa nito.
Sa ulat ng DOH, tumaas ang bilang ng influenza-like illnesses ngayong taon kung ikukumpara noong nakaraang taon tulad ng lagnat, ubo, sipon, na dulot ng iba’t ibang uri ng viruses.
Ayon pa sa DOH, halos walang pinagkaiba ang sakit na walking pneumonia, influenza at COVID dahil sa halos magkakatulad ang senyales nito tulad ng pagkakaroon ng lagnat, pag-ubo pagsisipon, pananakit ng lalamunan, at pananakit ng ulo.
Samantala, sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go, chairman ng nasabing komite, dapat ay natuto na ang lahat ng Pilipino mula sa nakaraang pandemya sa pagharap sa COVID-19 at iba pang respiratory illnesess.
“Marami po tayong natutunan sa nakaraang pandemya. At marami po tayong isinusulong para mas mapalakas ang ating healthcare system. Dapat mas handa po tayo ngayon sa anumang health emergency na maaaring dumating,” sabi ni Go.
Umaasa si Go na hindi tataas ang bilang ng tinatamaan ng COVID dahil sa aabot sa 74 milyon ang nabigyan ng bakuna hanggang sa kasalukuyan.
