
Ni NERIO AGUAS
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na napauwi na ang 27 Vietnamese nationals na pawang naging biktima ng human trafficking.
Batay sa ulat ng Ninoy Aquino International Airport Task Force Against Trafficking (NAIA-TFAT) ang mga nasabing dayuhan ay ibinigay sa IACAT-Tahanan ng Inyong Pag-asa Center matapos na maharang ang mga ito sa NAIA Terminal 2 noong nakalipas na Oktubre 31.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang mga biktima ay kasama ng isang Chinese handler, ng dalawang Filipino drivers, at isang Filipino translator.
Sinasabing ang sindikato ay nais na ibenta ang mga dayuhan sa ilang kumpanya sa Cebu City.
Sa 27 biktima, 21 ang lumipad sakay ng Cebu Pacific flight patungong Hanoi habang ang 6 na iba pa ay sumakay sa Philippine Airlines flight patungong Ho Chi Minh City.
Bilang tugon sa insidenteng ito, kinansela ng BI ang working visa ng mga biktimang sangkot sa insidente.
Ipinahayag ni Tansingco ang kanyang pagkadismaya sa mga dayuhang nagsasamantala sa Pilipinas bilang sentro ng kanilang aktibidad sa human trafficking.
“We will not be a haven for those seeking to perpetuate such criminal acts. The BI stands firm in its commitment to dismantle trafficking networks and safeguard the welfare of those vulnerable individuals,” ayon sa BI chief.
Nabatid na pito pang Vietnamese nationals ang nananatiling nasa bansa habang hinihintay ang pagpapatapon palabas ng bansa.
