Sen. Go at DOH sa publiko: Umiwas sa paggamit ng firecrackers

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Christopher “Bong” Go at ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag nang gumamit ng mga paputok sa pagsalubong ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ayon kay Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, pinatitiyak nito sa DOH na handa ito sa anumang mangyayari sa pagsalubong sa holiday seasons.

Bagama’t nauunawaan nito na abala rin ang DOH sa pagbabantay sa naitatalang pagdami ng kaso ng COVID-19, influenza, flu at iba pang respiratory illnesses, hindi rin dapat na isantabi ang iba pang public safety concerns tulad ng firecracker-related incidents.

“Kumusta po ang preparation ng Department of Health? Though bumababa na talaga rin ‘yung kaso ng putok. Firecrackers. Maaalala ko po sa Davao City, in-implement bigla ni former mayor, former president (Rodrigo) Duterte, pinagbawal niya ‘yung paputok. Naging malungkot sa first year. Pero ang resulta po nito ay napakalaking tulong po sa ating mga kababayan. Tulong po sa ating mga health workers. Tulong po sa mga hospitals. Bumaba ‘yung kaso. At nag-enjoy pa tayo sa Pasko kapiling ang inyong mga pamilya kesa mabawasan ang mga daliri,” sabi ni Go.

Binigyan-diin ni Go ang kahalagahan ng pag-iwas upang maiwasan ang pagsisisi na kadalasang huli na dahil sa mga pinsalang may kinalaman sa paputok.

Dagdag pa nito, ang matitipid ng gobyerno kung mababawasan ang mga pinsala sa paputok, na kadalasang nagreresulta sa mga pagbisita sa ospital.

“Tsaka parati pong nasa huli ang pagsisisi na nawala na ‘yung daliri ninyo. Sana po ay malaking tulong po ‘yun. ‘Yung pondo po ng gobyerno na masi-save po, na hindi magagamit sa hospital sa naputol na kamay,” ayon pa sa senador.

“Tulong n’yo na lang po ‘yun. Maaaring makapag-celebrate naman po kayo ng Christmas and New Year na iwasan po ‘yung paputok at iwasan pong masaktan kayo o masugatan po,” dagdag pa ni Go.

Kinilala ni DOH Secretary Teodoro Herbosa ang bisa ng ‘no firecrackers’ policy na pinasimulan ni Duterte at sinabing ang tagumpay nito sa Davao City at ipinatupad din sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.

Gayunpaman, binanggit din ni Herbosa ang iba pang mga alalahanin sa kaligtasan ng publiko sa panahon ng Kapaskuhan tulad ng pagtaas ng mga kaso ng aksidente sa motorsiklo dahil sa pag-inom ng alak na kasama ng kasiyahan.

Leave a comment