Sokor fugitive na wanted ng Interpol arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted sa bansa nito dahil sa kinakaharap nitong ilegal na droga nang tangkaing pumasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, mula sa border control and intelligence unit (BCIU), nakilala ang nasabing dayuhan na si Son Hyunbeen, 37-anyos, na nadakip noong nakalipas na Disyembre 15 nang dumating sa NAIA Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines flight mula Bangkok, Thailand.

Ayon sa BCIU, si Son ay nadakip matapos na makita ng immigration officer na nagproseso ng pasaporte nito na nakapaloob ang pangalan nito sa Interpol’s 24-hour global police communications system na nakalinya sa database ng BI ng mga wanted foreign criminals.

Base sa impormasyon mula sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, natuklasan na si Son ay may arrest warrant na inilabas ng Suwon district court sa South Korea noong Oktubre 23, 2020 kung saan kinasuhan ito ng illegally trading psychotropic drugs.

Sinasabing nakipagsabwatan si Son sa tatlo pang suspek upang illegal na mag-import ng methamphetamine drugs mula sa Cambodia papasok sa Korea mula Mayo hanggang Agosto 2017 at ibinenta sa Korean customers sa loob ng 251 beses kung saan kumita ang mga ito na tinatayang 157 million won, o mahigit sa P6.7 milyon.

“His presence here is inimical to our national, thus he should be deported out for being an undesirable alien. “We will also put him in our blacklist and perpetually banned from re-entering the country,” sabi ni Tansingco.

Kasalukuyang nakadetine ang nasabing Korean national sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang dokumento para sa pagpapatapon palabas ng bansa.

Leave a comment