
Ni NOEL ABUEL
Ipinaalala ni Senador Imee Marcos sa mga pribadong kumpanya na ang mga dating rank-and-file na nag-resign o sinibak ay may karapatan pa rin sa benepisyong hatid ng batas ng 13th-Month Pay.
“Kahit isang buwan ka lang nagtrabaho ngayong taon, dapat meron kang kahit isanlibong pisong matatanggap sa dating pinapasukan,” ayon sa senador.
Binigyan-diin din ni Marcos na ang mga guro sa pribadong paaralan ay may espesyal na karapatan sa buong 13th-month pay kung sila ay naglingkod ng hindi kukulangin sa isang buwan sa loob ng isang taon.
“Ang benepisyo ng 13th-month pay ay naisabatas bago mag-Pasko noong 1975 sa pamamagitan ng Presidential Decree 851, na layuning protektahan ang antas ng totoong sahod mula sa epekto ng pandaigdigang pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” sabi ni Marcos.
Sinabi pa nito na ang dekreto ng bagong guidelines o tuntunin noong Agosto 1986 ay naglilinaw na ang taunang bonus ay para sa mga kasalukuyan at mga dating kawani.
“Kumakatok lang sa matitigas ang puso, ngayong nagtataasan ang presyo ng pagkain. Marami pa ring gipit ang badyet para sa Noche Buena,” sabi ni Marcos.
Ipinupunto ng senador na may ilang araw pa para maipapamahagi ng mga kumpanya ang 13th-month pay bago mag-Disyembre 24, ang itinakdang deadline ng batas.
