DOLE naglabas ng panuntunan sa sahod para sa regular holiday, special non-working day para sa taong 2024

Ni NERIO AGUAS

Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng panuntunan sa tamang pagkukuwenta ng sahod ng mga manggagawa para sa mga idineklarang regular holiday at special (non-working) days para sa susunod na taon.

Nakasaad ang direktiba sa Labor Advisory No. 27, Series of 2023 na inilabas ni Secretary Bienvenido E. Laguesma noong Disyembre 12, bilang gabay ng mga employers at manggagawa para sa tamang pagbabayad ng sahod.

Alinsunod ang labor advisory sa Proclamation No. 368, Series of 2023, na nagdedeklara ng mga regular holiday at special (non-working) day para sa taong 2024.

Ang mga regular holiday ay Bagong Taon (Enero 1), Huwebes Santo (Marso 28), Biyernes Santo (Marso 29), Araw ng Kagitingan (Abril 9), Araw ng Paggawa (Mayo 1), Araw ng Kalayaan (Hunyo 12), Pambansang Araw ng mga Bayani (Agosto 26), Bonifacio Day (Nobyembre 30), araw ng Pasko (Disyembre 25), Rizal Day (Disyembre 30), Eidul Fitr (itatakda), at Eidul Adha (itatakda).

Samantala, ang mga special (non-working) day ay Chinese New Year (Pebrero 10), Black Saturday (Marso 30), Ninoy Aquino Day (Agosto 21), All Saints’ Day (Nobyembre 1), All Souls’ Day (Nobyembre 2), Feast of the Immaculate Conception of Mary (Disyembre 8), Bisperas ng Pasko (Disyembre 24), at Huling Araw ng Taon (Disyembre 31).

Nakasaad sa advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa mga regular holiday ay dapat bayaran ng 200 porsiyento ng kanilang sahod sa unang walong oras.

Kung ang empleyado ay hindi pumasok sa trabaho, babayaran sila ng 100 porsiyento ng kanilang sahod para sa nasabing araw, ngunit kinakailangan na sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.

Kung ang araw na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisimiyento o nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, nararapat itong bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence sa araw na sinusundan ng araw na walang pasok o araw ng pahinga.

Samantala, ang empleyado na magtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw. Ang pagkukuwenta ay: orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho.

Nakasaad din sa advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa nasabing regular holiday at ito rin ay araw ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng arawang sahod na 200 porsiyento; habang ang mga nagtrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng orasang kita sa nasabing araw.

Para naman sa mga special (non-working) day, ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay mayroong polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Samantala, ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.

Ang empleyado na magtatrabaho sa special (non-working) day at ito rin ay araw ng kanyang pahinga ay dapat bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras; habang ang nag-overtime ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita para sa nasabing araw.

Para sa karagdagang katanungan sa pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag sa DOLE Hotline 1349, anumang oras o araw.

Maaari ring tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Maaari ring magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa hotline1349@dole.gov.ph o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DOLE.

Leave a comment