Airport employee nahuli na nag-escort ng human trafficking victims

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang Pinay na palabas ng bansa matapos matuklasan na illegal na asistehan ng isang empleyado ng paliparan.

Ayon sa BI, ang nasabing mga Pinay ay nasabat bago pa makasakay ng eroplano patungong Dubai, UAE, bago lumipad patungo sa Thailand sakay ng Cebu Pacific flight 5J929 noong nakalipas na Disyembre 22.

Base sa record, ang naturang mga pasahero ay nagkunwang mga magkaibigan mula sa General Santos City para magbakasyon subalit natuklasan na illegal na magtatrabaho at pawang biktima ng human trafficking.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nadiskubre sa secondary inspection na hindi alam ng mga indibidwal ang pangalan ng isa’t isa at kulang sa return ticket sa General Santos.

Sa huli, ipinagtapat ng mga biktima na sila ay na-recruit bilang mga household service workers sa Dubai sa pamamagitan ng Facebook at walang alam sa kanilang transit arrangement sa UAE at pinangakuan na tatanggap ng P25,000 bilang sahod.

Ibinunyag pa ni Tansingco na isang empleyado ng paliparan ang nakitang nag-escort sa mga biktima sa mga immigration counters.

“Immigration supervisors promptly intervened, signaling that such actions were unauthorized and against protocol,” sabi ni Tansingco.

Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para iimbestigahan ang di pinangalanang airport personnel.

Binigyan-diin ni Tansingco na ang mga airport immigration area ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga hindi awtorisadong tauhan, lalo na ang mga nagbibigay ng VIP treatment sa mga biktima ng human trafficking.

Agad na dinala ang mga biktima sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa kanilang illegal recruiters.

Leave a comment