Maayos at maunlad na 2024 inaasahan — Sen. Revilla

Ni NOEL ABUEL

Optimistiko si Senador Ramon “Bong” Revilla, Jr. na mapapanatili ng bansa ang pag-unlad para sa 2024 kasabay ng pagpupuri sa mga pagsisikap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa pagbuo ng trabaho at pamumuhunan.

Ibinahagi ni Revilla ang pananaw sa karamihan ng mga mamamayang Pilipino, na binanggit ang isang survey na isinagawa ng Pulse Asia sa inaasahan ng mga Pilipino para sa darating na taon.

Base sa statistics, 92% ng populasyon ay nananatiling optimistiko, na nagsasabing haharapin nila ang bagong taon ng may pag-asa.

“Mataas ang kumpiyansa ko na magiging maganda ang pasok ng taon para sa bawat Pilipino lalung-lalo na dahil sa pagsusumikap ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na paigtingin pa ang pagdami ng mga trabaho dito sa ating bansa sa pamamagitan ng pag-secure ng mga oportunidad galing sa ibang bansa,” sabi pa ng beteranong mambabatas.

Naiulat na maliban sa bilyun-bilyong pisong halaga ng investment pledges na nakuha ni PBBM mula sa kanyang mga opisyal na paglalakbay sa ibang bansa mula huling quarter ng 2022 hanggang 2023, nakakuha rin ang Pangulo ng mahigit 200,000 na oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.

Ang serye ng mga presidential at state visits aniya ni PBBM noong nakaraang taon ay nagresulta sa mga sumusunod: 7,100 job opportunities mula sa Indonesia; 14,932 mula sa Singapore, 98,000 mula sa New York, USA.; 5,500 mula sa Thailand; 6,480 mula sa Belgium; 730 mula sa Netherlands.

Ngayong taon, dinala ng Pangulo ang sumusunod na bilang ng mga oportunidad sa trabaho: 32,722 mula sa China; 24,000 mula sa Japan; 6,386 mula sa Washington, D.C.; at 8,365 mula sa Malaysia.

Bukod dito, ang kanyang kamakailang mga paglalakbay sa kalahati ng taon ay nakakuha ang bansa ng karagdagang mga pagkakataon para sa mga tao nito: 450 trabaho mula sa Singapore, 2,550 mula sa USA, at 15,750 mula sa Japan.

Ayon kay Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go, ang sinasabing P169 bilyong halaga ng investment pledges sa isinagawang pagbisita ni PBBM sa Japan ay naisakatuparan na at naipagkaloob na sa mga Pilipino ang libu-libong trabaho.

“Nasa tamang direksiyon ang tinatahak nating landas tungo sa maayos at maunlad na bansa dahil sa walang humpay na pagsisikap ng ating pamahalaan para mag-angkat ng karagdagang negosyo at trabaho na kailangang-kailangan ng ating bansa,” pahayag pa ni Revilla.

Leave a comment