
Ni NOEL ABUEL
“Salamat sa Panginoon at nakaraos tayo ngayong 2023, isang taon na naging mahirap para sa maraming pamilyang Pilipino dahil sa mataas na presyo ng pagkain. Simulan na natin ang puspusang pagtulong sa mga magsasaka at mangingisdang Pilipino upang maibsan ang problema sa presyo ng mga bilihin,” ito ang pahayag ni Senador Imee Marcos.
Aniya, dapat na subukan na ibaba ang halaga ng gasolina sa pamamagitan ng pagbawas ng buwis na kahit ini-import para sa mga maliliit na tsuper at mga mamimili.
Mahalaga rin aniyang tugunan ang isyu ng smuggling ng mga produktong langis.
“Huwag nating hayaang lumawak pa ang bangungot ng sunud-sunod na giyera sa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Ukraine, Israel-Gaza, Ethiopia, Sudan, at iba pa,” sabi nito.
“Kailangan nating baguhin ang magulo at mapanganib na sitwasyon sa mundo para sa ating mga OFW,” dagdag pa ni Marcos.
Sinabi pa ng senador na kailangan na tanggapin na sa punot dulo, sinuman ang maging kaalyado, walang maaasahan kundi ang sarili.
“Mahalagang ipagtanggol natin ang ating mga pamilya at anak para sa isang mapayapang kinabukasan. Matagal nang sinabi ng aking ama na ang lipunan natin ay parang bulkan na malapit nang sumabog dahil sa kasakiman, pang-aapi, at pagtatraydor sa mamamayang Pilipino. Sana hindi pumutok ang bulkan sa bagong taon, 2024, at nawa’y makamit natin ang isang mapayapang kinabukasan para sa ating bansa,” ayon pa dito.
