
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go sa mga supporters at naniniwala sa kakayahan nito matapos sa ikalawang sunod na survey ay posibleng muling mahalal sa 2025 midterm elections.
Sa isang nationwide survey na isinagawa OCTA Research survey noong Disyembre 10-14, 2023, pumangalawa ang kasalukuyang senador na mayroong 53% ng mga respondents na nagsasabing muling iboboto para sa Senado.
“Bagamat malayo pa ang eleksyon, nagpapasalamat ako sa mga kababayan natin na patuloy na naniniwala sa akin at sa aking mga adbokasiya. Huwag muna natin isipin ang pulitika. Unahin muna natin ang pagseserbisyo sa mga Pilipino. Ang focus ko ngayon ay ang tumulong at magsilbi sa abot ng aking makakaya lalo na sa mga mahihirap at pinakanangangailangan,” sabi ni Go.
“Hinding-hindi ko sasayangin ang tiwalang ito na ibinigay ninyo sa isang simpleng probinsyano na walang ibang nais kundi ang magsilbi sa bayan at sa mga Pilipino,” dagdag nito.
Ang pinakahuling naitala ni Go ay isang makabuluhang pagtaas mula sa 2023 third quarter survey na isinagawa ng parehong kumpanya kung saan pumangalawa rin ito na may 49% voting preference. Isinagawa ito mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4.
“Patuloy po akong magmamalasakit at magseserbisyo sa kapwa ko Pilipino. Tulad ng turo ni dating Pangulong Duterte sa akin, kapag inuna mo ang kapakanan at interes ng ating mga kababayan, hinding-hindi ka magkakamali,” ayon pa dito.
Nang mausisa kung ano ang naging formula nito para manatiling nangunguna sa survey ay nabanggit ni Go ang sipag, tiyaga at sinseridad sa trabaho.
“Nawawala ang aking pagod kapag nakikita kong napapasaya ang ating mga kababayan, nakakatulong sa kanila sa abot ng ating makakaya, nakakatulong sa mga pasyente, nakakasuporta sa mga proyektong makapagpaunlad sa mga komunidad, at nakapag-iiwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati,” paliwanag pa ni Go.
