2 American sex offenders naharang ng BI sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang American sex offenders na nagtangkang pumasok sa bansa sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na na si Zachary Tyler Thompson, 39-anyos, at Paul Neal Coltharp, 46-anyos.

Nabatid na naharang sa NAIA Terminal 1 si Thompson matapos na dumating sakay ng Philippine Airlines flight mula sa Los Angeles.

Sa record ng BI, nahatulan si Thompson ng korte noong 2013 at 2015 dahil sa pagkakakumpiska rito ng mga obscene materials at pangmomolestiya ng mga menor-de-edad.

Samantala, si Coltharp ay naharang sa NAIA Terminal 1 noong Disyembre 27 matapos na dumating sakay ng Eva Air flight mula sa Taipei.

Ayon sa US government, hinatulan ng California court si Coltharp sa kasong child molestation noong 1998 sa isang 14-anyos na batang babae.

Ipinaliwanag pa ng BI chief na ang mga registered sex offenders (RSOs) na sina Thompson at Coltharp ay halimbawang mga dayuhan na pinagbabawalang makapasok sa bansa.

Agad namang itinapon pabalik ng port of origin ang naturang dalawang US nationals kasabay ng pagsasailalim sa mga ito sa BI blacklist ng mga undesirable aliens.

Leave a comment