
Ni NOEL ABUEL
Pinagpapaliwanag ng isang mambabatas ang Department of Energy (DOE) hinggil sa pagkaantala sa pagsusumite sa Kongreso ng bagong roadmap para sa sektor ng enerhiya.
Giit ni Senador Win Gatchalian dapat na gawin agad sa lalong madaling panahon ng DOE ang pagpapaliwanag sa tunay na kadahilanan ng pagkabalam ng pagpapalabas ng energy roadmap
Ang Philippine Energy Plan (PEP) ng bansa, na aabot hanggang 2050, ay naglalayong pataasin ang paggamit ng renewable energy (RE) at makabuo ng energy mix tungo sa isang tinatawag na clean energy scenario.
“Ang Philippine Energy Plan ang magiging pundasyon para sa pagkamit ng mas malinis na enerhiya, pagtataguyod ng ekonomiya, at pagpapahusay ng kapakanan ng ating mga kababayan,” sabi ni Gatchalian.
Ayon sa senador, dapat makapagsumite ang DOE sa Kongreso ng isang updated na energy roadmap kada Setyembre 15 ng bawat taon na nakapaloob sa Republic Act 9136, na kilala rin bilang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
“Mahigit tatlong buwan nang overdue ang pagsusumite ng PEP. Kailangang sumunod kaagad ang DOE sa pangangailangang ito,” diin ni Gatchalian.
Aniya, ang kasalukuyang renewable energy goals ng Pilipinas ay tinatayang nasa 35% pagdating ng 2030 at 50% pagsapit ng 2040.
“Hindi katanggap-tanggap na naantala na nang husto ang pinakahuling energy plan na napakaimmportanteng dokumento para maisulong nang husto ang sapat at malinis na suplay ng enerhiya sa bansa,” sabi nito.
Nabatid na sinabi ng DOE, ang PEP ay isang komprehensibong roadmap para sa sektor ng enerhiya na titiyak ng isang sustainable, sapat, ligtas, accessible, at makatuwirang presyo ng enerhiya.
