
Ni NOEL ABUEL
Iimbestigahan ng Senado ang nararanasang malawakang brownout sa Panay Island at iba pang lugar sa Visayas matapos ang sunud-sunod na pagtigil ng produksiyon ng kuryente sa mga nasabing lugar noong pang Enero 2.
Ayon kay Senador Raffy Tulfo, nakatakda itong maghain ng Senate resolution upang imbestigahan at mapanagot ang mga nasa likod ng hindi katanggap-tanggap na power outage na ito sa Panay island.
Base sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), apektado sa power interruption ang iba’t ibang probinsya sa Panay kabilang na ang Iloilo, Aklan, at Capiz; ang island-province ng Guimaras, pati na rin ang Negros island.
Sinabi nitong naka-maintenance shutdown ang Panay Energy Development Corp. (PEDC) Unit 3, na ayon sa NGCP ay ang pinakamalaking plantang nagsu-supply ng kuryente sa Panay.
Kasunod nito, biglang tumirik din ang PEDC unit 1 at PEDC Unit 2, at isa pang Palm Concepcion Power Corporation (PCPC) unit, ang pangalawa sa pinakalamaking power plant sa Iloilo.
“As of Jan. 3 ay nasa 68.75% na ang nawalang supply ng kuryente sa Panay. Kaya sumatotal, sa 13 power plants na dapat nagsu-supply ng kuryente sa probinsya, apat na lamang ang operational sa ngayon. Kinakailangan ng at least 300MW para ma-stabilize ang system at maibalik sa 100% ang supply ng kuryente,” sabi nito.
“Bilang chairperson ng Senate Committee on Energy, lubos kong ikinababahala ang kalbaryong dinaranas ng mga residente ng Panay na apektado ang pamumuhay ngayong bagong taon dahil sa power outage roon,” ayon pa kay Tulfo.
Sinabi ng senador na patuloy itong nakikipag-coordinate sa NGCP, Department of Energy, National Electrification Administration (NEA) at iba pang ahensya para ma-monitor ang pangyayari sa probinsya at mabigyan ng agarang solusyon.
Hinamon naman ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE), ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), at ang Energy Regulatory Commission (ERC) na madaliin ang imbestigasyon sa nasabing power interruption.
“I urgently call on the Department of Energy (DOE), the National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), and the Energy Regulatory Commission (ERC) to expedite the investigation of the power interruption that severely affected the islands of Panay, Guimaras, and Negros,” aniya pa.
“The DOE, NGCP, and ERC must swiftly implement effective measures to prevent the recurrence of such disruptive incidents, which adversely affect business operations and the day-to-day activities of our people,” dagdag pa ni Gatchalian.
“Hindi katanggap-tanggap ang malawakang power outage sa pagsisimula pa lang ng taon. Patuloy nating susubaybayan ang sitwasyon sa buong rehiyon,” dagdag pa nito.
