
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Chiz Escudero sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) na mahigpit na matulungan para matiyak na walang senior high school (SHS) na mag-aaral ang mapagkakaitan na makakuha ng SHS program sa mga state universities (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).
Sinabi ng mambabatas na bagama’t may legal na batayan ang pagtigil sa mga programa ng SHS sa SUCs at LUCs at naaayon sa mandato ng Higher Education Institutions (HEIs), mahalaga rin na walang maiiwan na estudyante dahil sa pinakabagong usapin.
“Bagama’t legal ang hakbangin ng CHED, mahalaga pa rin na matiyak natin ang kapakanan ng ating mga estudyante sa senior high school. Walang dapat na maiwan at mahalaga rito na nag-uusap ang CHED at DepEd,” giit ni Escudero.
Sabi pa ni Escudero, ang chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na dapat ding i-monitor ng DepEd ang mga regional offices kung may mga estudyante ang nanganganib na maitsapuwera sa sandaling hindi na mag-alok ng SHS program ang mga SUCs/LUCs.
Nauna nang kinumpirma ni CHED Chairman Prospero de Vera III na may inilabas na memorandum na may petsang Disyembre 18, na nagsasaad ng “discontinuance” ng Senior High School (SHS) Program sa SUCs/LUCs alinsunod sa mga naunang direktiba ng CHED sa pamamagitan ng CMO Nos. 32 at 33 series of 2015 at 2016.
Sa direktiba nito sa HEIs na itigil na ang SHS program, wala nang legal na basehan para pondohan ito.
Ipinahayag ni De Vera na naobligado itong ilabas ang memorandum matapos matuklasan na ilan pang SUCs at LUCs ang tumatanggap pa rin ng mas maraming senior high enrollees noong nakaraang taon, dalawang taon pagkatapos ng transition period.
Nilinaw naman ni De Vera na nauna nang pinaalalahanan ang mga SUC at LUC na ihinto ang kanilang senior high program at ihinto ang pagtanggap ng mas maraming enrollees.
