171 sex offenders naharang ng BI noong 2023

Ni NERIO AGUAS

Aabot sa 171 foreign sex offenders ang naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa iba’t ibang port of entry noong nakaraang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na ang mga naharang na mga dayuhan ay agad na pinabalik sa kanilang port of origin alinsunod sa probisyon sa Immigration Act na nagbabawal sa pagpasok ng mga dayuhan na nahatulan o kinasuhan ng mga krimen na may kinalaman sa moral turpitude.

“They were also placed in our blacklist of undesirable aliens to make sure that they are excluded if they attempt again to come here in the future. Their presence poses a serious risk to our women and children,” sabi ng BI chief.

Sa datos, karamihan sa mga naharang na sex offenders ay mga US nationals na nasa 129 na sinusundan ng 15 Briton, apat na Australiano, at apat na Irishmen. Kasama rin sa listahan ang dalawang Germans at dalawang Chinese nationals.

Sa 171 dayuhan, 153 ay pinatapon agad dahil sa pagiging registered sex offenders (RSOs) habang ang iba pa kinasuhan ng sex crimes o may kinakaharap na reklamo na kahalintulad na kaso.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala si Tansingco sa pagdami ng mga alien sex offenders na nagtatangkang pumasok sa bansa na nagsimula matapos ang COVID-19 pandemic.

Tiniyak nito sa publiko na hinding-hindi papayagan ang BI na makapasok sa Pilipinas ang mga RSO, hindi lamang dahil ipinagbabawal ito ng batas kundi dahil banta ang mga ito sa mga kababaihan at mga batang Pilipino, na sinuman sa kanila ay maaaring maging susunod nilang biktima.

Leave a comment