
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkagalit si Senador Alan Peter Cayetano sa desisyon ng Lungsod ng Makati na pagkaitan ang 10 EMBO (Enlisted Men’s Barrio) ng maayos na paglipat sa Lungsod ng Taguig.
Ito ay kasunod ng pagkakadiskubre nito na mga naka-padlock ang mga fire stations sa mga naturang barangay na aniya ay maaaring mauwi sa trahedya noong panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Sinabi ni Cayetano na ang pagkandado ng fire stations ay utos umano ni Makati Mayor Abby Binay sa kabila ng nauna na nitong sinabi na ang kanyang lungsod ay susunod sa desisyon ng Korte Suprema na naglagay sa 10 EMBO sa ilalim ng Taguig City.
Ayon sa senador, bukod sa mga fire stations isinara na rin ng Makati ang mga health centers, paaralan, at police stations sa mga EMBO.
“Mukhang sa lipunan natin nawawala na ‘yung tama is tama and mali is mali. The issue is that the people of Taguig were put in grave danger nu’ng Christmas Eve until now because kinandado ang mga fire stations sa EMBO. Napakadelikado ang nangyari na inabandona ng BFP (Bureau of Fire Protection) ang mga fire stations sa EMBO barangays,” sabi ng senador.
Sinabi ni Cayetano na natuklasan nito ang nasabing usapin noong araw ng Bagong Taon nang bumisita ito kasama ang kanyang asawang si Taguig Mayor Lani Cayetano sa mga istasyon ng pulis ng Barangay West Rembo at Comembo.
“First day of the year na bumalik ang mga EMBO sa Taguig after decades. Inimbita kami ni Lani sa West Rembo and Comembo at nag-boodle fight kasama ang mga police. Pagtingin namin, sa same compound, nakakandado ang fire station,” sabi nito.
Ayon kay Cayetano, ibig sabihin nito ay noong December 31, sa kasagsagan ng selebrasyon ng Bagong Taon, nakakandado na ang mga fire stations.
“Wala tayong kamalay-malay at alam naman po natin na red alert kapag December 31 dahil napakaraming gumagamit ng mga paputok,” galit niting pahayag.
Nilapitan din aniya ito ng isang residente na nagsabing may namatay sa kanila dahil sa kakulangan ng mga tauhan at health facilities.
“May magulang na pumunta sa amin na may namatay sa kanila dahil 45 minutes naghihintay ng ambulansya. Wala raw driver ng ambulansya ng barangay,” aniya.
Ayon sa senador, tinawagan niti ang pinuno ng BFP hinggil dito ngunit wala itong napala.
Aniya, nalaman nito na ang pagkakandado ng mga fire station ay utos umano ni Binay.
“Ipinangako ng director that afternoon na tatanggalin ang kandado at papapasukin na ang BFP ng Taguig. Pagka-check ko kanina (Friday), wala pa rin. Kahapon nag-meeting sila sa City Hall ng Makati. When I talked to DILG Secretary Benhur Abalos earlier, sabi raw ni Mayor Abby, sila raw may-ari nu’ng fire stations,” paliwanag ni Cayetano.
“Hindi acceptable sa akin iyan. We are a nation of laws, not of people. Hindi naman porke’t sinabi ng mayor na sa kanya iyan, siya na ang matutupad,” dagdag niya.
“Malinaw na ang desisyon ng Korte Suprema. Very clear na lahat ng isyu ng pagmamay-ari ay pag-uusapan. Kung sa Makati, babayaran. Kung hindi, pagdedesisyunan pa. Pero dapat hindi maantala ang public service,” sabi ng senador.
Nagpapasalamat na lang si Cayetano na walang nangyaring aksidente noong Bagong Taon.
“Thank God walang sunog na nangyari, walang namatay at nasunugan na property,” sabi nito.
