
Ni NOEL ABUEL
Nagsisimula nang magkasakit ang mga residente sa Iloilo dahil sa matinding init na panahon dahil sa patuloy ang pagkawala ng supply ng kuryente sa nasabing lalawigan.
Ito ang sinabi ni Iloilo 1st District Rep. Janette Garin kung saan nagsisimula na umanong magkasakit ang mga residente sa lalawigan dahil sa matinding init dahil sa patuloy na pagkawala ng kuryente sa Western Visayas.
“Apektado rin naman ng brownout ang buong Pilipinas dahil lahat tayo nagko-contribute sa ekonomiya. Hindi lang ‘yan ang dami na rin pong nagkakasakit kasi sobrang init,” sinabi ni Garin.
Iginiit pa ng mambabatas mula sa Iloilo na nakakaapekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mga mangingisda at output-based work force ang patuloy na pagkawala ng kuryente.
“Ang problema ‘yung iba hindi nakakapagnegosyo ay nawawalan ng kita. ‘Yung iba na output-based ang kanilang kita apektado. ‘Yung mga mangingisda naman ‘yung kanilang isda ay ibebenta na lang ng murang mura dahil wala kang ice na paglalagyan ng isda,” ayon pa kay Garin, kungsaan ipinunto rin nito na kulang ang mga generation sets sa mga ospital para punan ang pangangailan sa kuryente.
Binanggit ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas ang datos mula sa Local Economic Development and Investment Promotion Office (LEDIPO), kung saan sinabi nito na aabot sa P400 milyon hanggang P500 milyon kada araw ang nawawalang kita kada araw dahil sa power interruptions, na umaabot sa P1.5 bilyon sa ikatlong araw ng blackout.
Sinabi ni Garin na nangako ang mga power providers na maresolba ang problema ngayong Biyernes, gayunpaman, sinabi ng mambabatas, na kasalukuyang nasa Iloilo, na hindi pa bumabalik ang kuryente sa Biyernes ng tanghali.
Magugunitang nagsimula ang pagkawala ng kuryente noong Enero 2, 2024.
Sa pagsisiyasat ng Kongreso sa malawakang pagkawala ng kuryente, nangako ang House Deputy Majority Leader na mananagot ang mga responsable sa blackout.
“Dapat talaga imbestigahan kung bakit ito nangyayari at ‘yung imbestigasyon na ‘yun ay hindi lamang mahinto sa pagtatanong. Dapat malaman natin kung bakit nagkaganito. Sino ba ‘yung dapat managot,” ayon sa mambabatas.
“Adding insult to injury is the constant finger pointing between NGCP (National Grid Corporation of the Philippines) and the power generators. Ang mahal mahal na nga ng kuryente, hindi mo naman maramdaman ‘yung quality of service,” dagdag pa ni Garin.
