
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Raffy Tulfo na dapat na matanggalan ng prangkisa ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil sa malawakang brownout sa Panay at Negros Islands.
“Kapapasok pa lamang ng Bagong Taon pero kalbaryo na agad ang dinaranas ng mga kababayan natin sa Panay Island dahil sa malawakang brownout sa lugar na bunga ng kapalpakan ng NGCP,” sa pahayag ni Tulfo.
Aniya, mula January 2 hanggang ngayong araw ay patuloy pa rin ang problema sa kuryente sa Panay dahil hindi na-maintain ng NGCP ang stability ng grid na tungkulin dapat nito.
Nanggalaiti si Tulfo sa NGCP dahil pangalawang beses nang nangyari ito. Matatandaan na noong April 27-29, 2023 ay nagkaroon na rin ng malawakang rotational brownout sa Panay at Negros dahil sa line fault o pagpalpak ng mga transmission lines ng NGCP.
Binigyan-diin ng senador na ang paulit-ulit na kapalpakan ng NGCP ay sapat nang grounds para rebyuhin ang prangkisa nito.
“Panahon na para mas mapabilis ang pagrerebisa at agarang pagtanggal ng prangkisa ng NGCP. Mahigit isang dekada at kalahati nang nagsasakripisyo ang taumbayan sa mga kapalpakan nila. Enough is enough!” saad nito.
Dagdag pa ni Tulfo, natuto na sana ang NGCP sa malawakang brownout na nangyari noong nakaraang taon at hindi na dapat naulit pa ang ganitong problema.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Energy, tinawagan ni Tulfo si NEA Administrator Antonio Mariano Almeda para humingi ng update ukol sa problema sa Panay.
Ibinigay ni Almeda kay Tulfo ang report na isinumite nito kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. tungkol dito.
Sa nasabing ulat, sinabi ni Almeda na ang hindi paggamit ng NGCP ng ancillary power support ang dahilan kung bakit lumala at hindi naagapan ang malawakang blackout sa Panay Island.
Nakausap na rin ni Tulfo ang DOE at ERC na patuloy na nakamonitor sa mga planta at kaganapan sa Panay.
Ang pagpapatuloy ng hearing ukol sa resolusyon na inihain ng senador para rebyuhin at tanggalan ng prangkisa ang NGCP ay naka-shedule na sa Miyerkules, Jan. 10.
