
Ni NOEL ABUEL
Kasabay ng pagbabalik ng mga mag-aaral sa paaralan, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang maigting na aksyon upang iangat ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagbabasa.
Nabatid na sa darating na Enero 12 ay ilulunsad sa lahat ng mga pampublikong paaralan ang isang programa sa pagbabasa upang iangat ang literacy skills ng mga mag-aaral.
Binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagbabasa kasunod ng naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Lumabas sa naturang pag-aaral na kung ihahambing sa average ng mga bansang bahagi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD) (476) na nagsasagawa ng PISA, mas mababa pa rin ang average ng Pilipinas (347).
Ipinapakita ng PISA na kahit papano ay nauunawaan ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral ang mga literal na kahulugan ng mga maiikling pangungusap.
Bagama’t lumabas na tumaas ang score ng mga mag-aaral noong 2022 PISA kung ihahambing sa 353 na naitalang score noong 2018, ipinaliwanag ng Department of Education (DepEd) na hindi maituturing na statistically significant ang pagbabagong ito.
Lumalabas na sa kabila ng pandemya ng COVID-19, hindi umurong ang kaalaman ng mga kabataan, ngunit wala ring positibong pagbabagong nakita.
Binigyang diin din ng kagawaran na 76% ng mga 15-taong gulang ang hindi umabot sa minimum proficiency pagdating sa reading o pagbasa.
“Sa pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon sa bansa, kailangang tutukan at bigyan ng prayoridad ang mga programang hahasa sa kakayahan ng ating mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Isinusulong ng mambabatas ang ilang mga programa upang paigtingin ang pagbabasa at learning recovery.
Isa rito ang ARAL Program Act (Senate Bill No. 1604) na layong tugunan ang pinsalang dinulot ng pandemya ng COVID-19.
Saklaw ng naturang panukala ang mga essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang 10, at Science para sa Grade 3 hanggang 10. Para sa mga mag-aaral sa kindergarten, bibigyang diin ng programa ang literacy at numeracy.
Isinusulong din ng senador ang ilang mga panukalang batas tulad ng National Reading Month Act (Senate Bill No. 475) at National Literacy Council Act (Senate Bill No. 473).
Layon ng National Reading Month Act na gawing institutionalized ang pagdiriwang ng National Reading Month tuwing Nobyembre upang isulong ang kultura ng pagbabasa. Layunin naman ng National Literacy Council Act na gawing de facto local literacy councils ang mga local school boards.
