
Ni NERIO AGUAS
Pinuri ng Bureau of Immigration (BI) ang isa sa mga opisyal nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pagbalik ng isang maliit na bag na naglalaman ng isang malaking halaga ng cash na naiwanan ng isang hindi nakikilalang pasahero.
Sa isang pahayag, kinilala ng Immigration Commissioner Norman Tansingco ang tauhan nitong si Olivia Ivory Ojeda na pinuri para sa kanyang katapatan sa pag-uulat sa kanyang mga superiors sa malaking halaga ng pera na natagpuan nito habang nasa tungkulin.
Sinabi ni Tansingco na si Ojeda ay nasa loob ng kanyang booth na nagsasagawa ng mga immigration formalities para sa mga pasahero sa arrival area ng NAIA 1 Terminal 1 noong Enero 4 nang napansin nito ang isang maliit na bag na nakapatong sa kanyang counter.
Nang siyasatin ang laman ng nasabing bag ay naglalaman ito ng tinatayang P90,000 cash na naiwan ng di nakilalang pasahero.
Agad na ipinagbigay-alam ni Ojeda sa BI supervisor nitong si Ferdinand Tendenilla at iniutos na hanapin ang di nakilalang may-ari ng nasabing bag.
Subalit dahil sa maraming pasahero ang nasa airport’s baggage conveyo ay hindi nakita ang may-ari ng naiwang bag.
Nang maglaon ay inutusan ni Tendenilla si Ojeda na isuko lamang ang pera sa lost and found ng NAIA.
Ayon kay Tansingco, ang insidente ay nagpapatunay lamang na marami pa ring tapat at matuwid na immigration personnel na gumaganap ng kanilang tungkulin bilang gatekeepers ng bansa.
“Employees like them serve as a source of inspiration to our rank and file as they enhance the reputation and prestige of our bureau as a frontline government agency,” sabi ni Tansingco.
