DA Sec. Laurel suportado ni Sen. Escudero sa pagbuo ng blacklisting committee

Senador Chiz Escudero

Ni NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Chiz Escudero ang paglikha ng blacklisting committee sa Department of Agriculture (DA) na sinasabing pinakahuling aksyon ni Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naaayon sa anti-corruption campaign at iba pang reporma sa organisasyon.

Sinabi ni Escudero na tiwala ito sa liderato ni Laurel na linisin ang kontrobersyal na departamento at ipatupad ang hinihintay na reporma para mapakinabangan na ng sektor ng agrikultura partikular ang mga magsasaka.

“Matagal ko nang kilala si Secretary Laurel, at hindi magnanakaw ‘yan. Hindi rin ‘yan madaling madala ika nga sa pananakot o anumang uri ng panloloko,” ani Escudero.

“Umaasa ako na sa binuo niyang committee na ito ay tunay ngang ma-identify ‘yung mga totoong hoarders at mga smugglers,” dagdag pa nito, na tinukoy ang inilabas na Special Order 11 ng kalihim na bubuo sa central blacklisting committee ng DA para mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga tiwali at abusadong manufacturers, suppliers, contractors, consultants gayundin ang mga hoarders at smugglers ng mga agricultural products.

Itinalaga ni Laurel si DA Legal Service Director Willie Ann Angsiy at Procurement Division chief Melinda Deyto bilang chair at vice chair, ng blacklisting committee.

Samantala, itinalaga rin si DA Internal Audit Service Director Christopher Bañas bilang miyembro ng komite kung saan binigyan ito ng 30-araw mula sa pagtanggap ng reklamo at maglabas ng resolusyon sa natuklasan at rekomendasyon.

Suportado rin ni Escudero si desisyon ni Laurel na magpatupad ng pagbalasa sa DA, dalawang buwan matapos na maitalaga ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong’ Marcos Jr.

“Iyong kanyang revamp na ginagawa sa Department of Agriculture ay suportado ko rin dahil tulad ng sinumang bagong pasok na head of agency ay dapat mabigyan natin ng kalayaan na makapili at piliin kung sino ‘yong mapagkakatiwalaan niya at maasahan niyang gumawa ng trabahong nais niyang makita sa kaniyang kagawaran,” ayon pa kay Escudero.

“Buo ang pag-asa ko na sa kanyang liderato, maiaayos ni Secretary Laurel at ma-maximize niya ‘yong mga resources na binigay sa sektor ng agrikultura para mapataas ang ating gross domestic product sa nasabing sektor,” dagdag nito.

Magugunitang noong deliberasyon sa P167.5 billion budget ng DA, ipinanukala ng senador na dagdagan ito ng P25 billion para sa agriculture sector.

Leave a comment