
Ni NOEL ABUEL
Humigit-kumulang sa P70 bilyon ang kailangang i-refund ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga consumers para sa iba’t ibang pagkakataon ng sobrang pagsingil sa mga serbisyo nito bilang power grid operator.
Ito ang sinabi ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez sa nakatakdang pagdinig ng Kongreso sa operasyon nito kung saan hindi lamang hihilingin nito sa NGCP na ipaliwanag ang mga dahilan sa likod ng mga kamakailang pagparalisa sa isla ng Panay sa pagsisimula ng Bagong Taon.
Aniya, ang NGCP, ang power grid operator ng bansa na bahagyang pag-aari ng Chinese corporate, ay dapat humarap sa mga kinauukulang komite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at ipaliwanag kung bakit hindi dapat ibalik ang mahigit P70 bilyon na ibinulsa nito sa pamamagitan ng labis na pagsingil sa mga Pilipino para sa mga serbisyo nito sa loob ng maraming taon.
Si Fernandez, vice chairperson ng House Committee on Energy, ay pinuri rin ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng regulatory reset na inaasahang maglalantad ng mga hindi nararapat na bayarin na ibinayad sa NGCP.
Ipinahayag nito ang paniniwala na ang pag-reset ay magreresulta sa pagbawas sa gastos sa singil sa kuryente.
Noong nakaraang taon, naghain din si Fernandez ng House Resolution No. 934 na nananawagan para sa isang congressional inquiry sa matagal na pagkawala ng kuryente sa Panay, Guimaras at Negros Islands noong Abril 28, 2023.
Sinisi ng mga lokal na opisyales ang NGCP sa naranasang pagkawala ng supply ng kuryente sa nasabing lugar.
Ibinunyag ni Fernandez na ang kasalukuyang pamunuan ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa ilalim ni Chairperson Monalisa Dimalanta ay tiniyak na ang NGCP ay labis na nakolekta ng P35 bilyon noong termino ng kanyang pinalitan nitong si Chairperson Agnes Devanadera.
“Devanadera set NGCP’s maximum allowable revenue (MAR) at P43.7 billion per year without conducting the required regulatory reset,” ani Fernandez.
