Sa suspensyon sa SMNI

Ni NOEL ABUEL
Walang basehan na, nakakasira pa.
Ito ang pagsasalarawan ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla sa ipinataw na 30-day suspension order ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Sonshine Media Network International (SMNI).
Kasabay nito ay inihain ni Padilla ang Senate Resolution 895, kung saan nagpahayag ito ng suporta para sa SMNI at kinondena ang NTC sa suspension order na aniya’y walang due process.
“The baseless issuance of a 30-day suspension order is a transgression of SMNI’s right to due process which will result in serious and irreparable damage to it and its employees no less,” ani Padilla sa kanyang resolusyon.
Iginiit ni Padilla na malaki ang papel ng SMNI sa pagtulong sa anti-terrorism campaign ng pamahalaan, sa pamamagitan ng palatuntunan na layuning turuan ang publiko laban sa “communist propaganda and recruitment strategies.”
Dagdag nito, nakatanggap na ang network ng mga gantimpala at pagkilala.
Ani Padilla, chairman ng Senate committee on public information and mass media, ang suspension order ng NTC ay kasunod ng pagdinig ng Kamara sa diumano’y “fake news peddling” ng SMNI.
Nguni’t ipinunto ng senador na hindi isinasaad ng show-cause and suspension order ng NTC kung bakit kailangang suspendehin ang SMNI, o kung bakit kailangan ang suspensyon para mapigilan ang “serious and irreparable damage or inconvenience” sa publiko.
Dagdag ni Padilla, ipinunto rin ni Justice Marvic Leonen, sa kanyang separate concurring opinion sa kaso ng ABS-CBN vs NTC noong 2020, na ang due process ay tiniyak ng Saligang Batas “and extends to administrative proceedings.”
Aniya, ang Korte Suprema naman ay naglabas ng ruling noong Disyembre 2008 (Montoya v Varilla) na bagama’t hindi gaanong mahigpit ang procedural rules sa administrative proceedings, ang administrative proceedings ay hindi exempted sa “basic and fundamental procedural principles such as the right to due process in investigations and hearings.”
Dahil dito, ang resolusyon ni Padilla ay naglalayong magpahayag ng suporta sa SMNI at pagkundena sa NTC sa pagpataw nito ng 30-day suspension laban sa SMNI na walang “due process.”
