
Ni NOEL ABUEL
Pinagpapaliwanag ni Senador Imee Marcos ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglipat ng 39 milyong galon ng langis ng U.S. Navy mula sa Pearl Harbor patungong Subic.
Ayon sa senador, ang mga datos mula sa ilang international shipping tracker ay nagpapakita na ang kargamento ng langis ay nilagak sa U.S.-registered tanker na Yosemite Trader sa Pearl Harbor noong Disyembre 20 at pumasok sa teritoryo ng Pilipinas noong nakaraang Martes.
Sa kasalukuyan, nananatili ang Yosemite Trader sa kanyang posisyon mga 50 kilometro kanluran ng Subic Bay, ayon sa shipping tracker na Marine Vessel Traffic.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Marcos, na pinuno ng Senate Committee on Foreign Relations, sa hindi maipaliwanag na pananahimik ng parehong pamahalaan ng Pilipinas at U.S. bago ang paglalayag ng barko na nagdudulot ng pangamba sa pre-positioning ng military supplies sa bansa sa gitna ng mga prediksyon ng isang posibleng digmaan sa pagitan ng China at U.S. hinggil sa Taiwan.
“Naulit na naman! Ito ay strike three na ng pagtatangkang ipagkait sa sambayanang Pilipino ang karapatan na malaman ang ganitong mga bagay,” sabi ng senador.
Sa mga pagdinig na ginanap ng Senate Committee on Foreign Relations noong nakaraang taon, ibinunyag ni Marcos ang lihim na kahilingan ng U.S. na magpatuloy ng mga Afghan refugees sa Pilipinas at ang pagkukulang sa abiso hinggil sa mga pagdating ng mga C-17 Globemasters sa mga domestic at international airports ng bansa.
“Hindi lisensya ang Mutual Defense Treaty para iwan ang sambayanang Pilipino sa dilim. Hindi EDCA site ang Subic, kaya saan sa teritoryo ng Pilipinas ilalagak ang milyun-milyong galon ng langis?”, pag-uusisa pa ni Marcos.
“Hindi lamang ito isang isyu ng foreign policy kundi ng soberanya ng Pilipinas, pati na rin ng kaligtasan ng kalikasan. Dapat may malinaw na paliwanag ang pamahalaan dito,” pagdidiin ni Marcos.
