Taiwanese fugitive arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Taiwanese national na wanted sa kanyang sariling bansa dahil sa panloloko.

Kinilala ang nasabing dayuhan na si Yang Chia-Le, 26-anyos, na nadakip ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) sa residential area sa kahabaan ng Nueva Vizcaya St., sa Bago Bantay, Quezon City.

Si Yang ay inaresto alinsunod sa mission order na inisyu ng BI noong nakaraang linggo, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa gobyerno ng Taiwan na ito ay itinuring na isang takas mula sa hustisya.

Ipinapakita ng rekord na si Yang ay may warrant of arrest na inisyu ng Taiwan Taipei District Prosecutors Office noong Abril noong nakaraang taon para sa kasong panloloko.

Sinasabing miyembro ito ng isang telecom fraud syndicate na illegal na nagpapakilalang enforcement agents para makapanlinlang ng mga biktima mula Disyembre 2020 hanggang Enero 2021.

Nasangkot ito sa hindi bababa sa dalawang kaso ng pandaraya, na nagkakahalaga ng PhP 2.3 milyon.

Dahil dito, inaasahang mabibilanggo ito ng mahigit sa 2 taon sa kanyang deportasyon sa Taiwan.

Sa record ng BI, dumating sa bansa si Yang noong Agosto 2022, kung saan hindi na ito nag-renew ng visa kung kaya’t itinuring na itong overstaying alien.

“Fraudsters like Yang attempt to hide in theñ Philippines and sometimes attempt to transfer their operations here,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.

“We will not allow such things to happen, hence our tight cooperation with foreign governments who give us information about wanted fugitive remains. We will continue to hunt these fugitives down and deport them,” dagdag nito.

Mananatili si Yang sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig hanggang sa kanyang deportasyon habang ilalagay rin ang kanyang pangalan sa blacklist ng BI upang hindi na ito makapasok sa bansa.

Leave a comment