Pekeng immigration officer sa NAIA sangkot sa ‘escort services’

Ni NERIO AGUAS

Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay na nagkunwang magbabakasyon sa ibang bansa subalit natuklasang biktima ng escort services sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang biktima na itinago sa pangalang Ria, 27-anyos, ay naharang sa NAIA Terminal 3 noong nakalipas na Enero 8, 2024 makaraang matuklasan ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na magtatrabaho ito sa bansang Albania at hindi upang magbakasyon sa bansang Taiwan.

Nabatid na nang dumaan sa BI counter ang biktima ay nakita ang kaduda-dudang papeles nito kung kaya’t isinailalim sa secondary inspections kung saan sa pag-uusisa dito ay umamin itong patungo ito sa Albania sa Southern Europe para magtrabaho sa isang electric company.

Inamin din ni Ria nakipagkasundo ito sa isang nagpakilalang BI officer para sa escorting services kapalit ng P120,000 ngunit nabawasan ito at naging P80,000 kasama na ang flight tickets ng biktima.

At nang dumating ito sa NAIA T3 ay nakipagkita ito sa sinasabing BI employee sa isang food establishment kung saan muli umano itong hinihingian ng P67,000.

Sinabi ng biktima na humingi pa ang sinasabing BI employee ng karagdagang P10,000 subalit tumanggi na ito.

Makalipas ang ilang oras ay nagtaka ang biktima nang sumailalim ito sa secondary inspection at inakalang makakalusot subalit nagkamali ito hanggang sa maharang.

“These recruiters will sweet talk you into giving your hard-earned money to them. In many cases, they will promise you assistance, only to leave you hanging at the end,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para mahanap ang sinasabing nagpakilalalang BI employee na posibleng ginagamit ng mga illegal recruiters.

Leave a comment