128 foreign fugitives naaresto noong 2023 – BI

Ni NERIO AGUAS

Aabot sa 128 foreign fugitives ang naaresto ng Bureau of Immigration (BI) na pawang sangkot sa iba’t ibang kaso sa kanilang mga bansa.

Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, sa fugitive search unit (FSU), ang mga nasabing alien fugitives ay nahuli sa iba’t ibang operasyon na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa buong bansa kung saan nagtatago o nananatili ang nasabing mga dayuhan mula nang dumating sa bansa.

Iniulat din ng FSU na halos lahat ng mga nahuling pugante ay na-deport na at nakakulong na sa kani-kanilang bansa matapos mahatulan sa mga krimen na kanilang ginawa.

Pinuri ni Tansingco ang FSU sa mga nagawa nito, kasabay ng babala sa iba pang foreign fugitives na hindi taguan sa batas ang Pilipinas na gustong umiwas sa pag-aresto at pag-uusig sa mga krimen na kanilang ginawa sa kanilang bansa.

“Our country is off limits to these foreign fugitives. They are not welcome here and there will be no letup in our campaign to hunt and deport them so they could be tried for the criminal cases that were filed against them,” ayon sa BI chief.

Nanguna sa mga nadakip na dayuhan ay mga South Koreans na nasa 39 na sinundan ng 25 Chinese nationals, 15 Vietnamese, 12 Taiwanese, 11 Americans, at walong Japanese.

Kasama sa mga kinasangkutang krimen ng mga dayuhan ay may kinalaman sa economic crimes, investment scam, iligal na pagsusugal, money laundering, panloloko sa telekomunikasyon, pagnanakaw, at smuggling.

Kabilang sa kontrobersyal na nadakip ng BI ay si Manpreet Singh at iba pang kasabwat nito na naaresto noong buwan ng Marso, kung saan pawang extremists group ang mga ito na tinawag na Khalistan Tiger Force sa India.

Kasama rin sa naaresto noong 2023 ay sina Risa Yamada, Fujita Kairi, at Sato Shohei, na pawang miyembro ng ‘Luffy’ syndicate at nadakip noong buwan ng Enero, Marso at Abril.

Ang lahat ng mga ito ay kasama na sa immigration blacklist ng mga hindi kanais-nais na dayuhan, na nagsasabing hindi na papapasukin sa bansa.

Leave a comment