2 US nationals na pedophiles naharang sa Mactan at NAIA

Ni NERIO AGUAS

Dalawang Amerikanong pedophile, na dating hinatulan sa kasong sex crimes laban sa mga menor de edad, ang hinarang at pinagbawalang makapasok sa bansa ng Bureau of Immigration (BI) sa mga international airport sa Manila at Cebu.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng border control and intelligence unit (BCIU) na parehong naharang ang mga pasahero noong Enero 13 at agad pinabalik ng kanilang pinanggalingang matapos makumpirma ng mga opisyal ng BI na mayroon silang mga rekord ng mga convictions para sa sex offenses sa US.

Kinilala ang mga dayuhan na si Carvin Renee White, 57-anyos, na dumating sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sakay ng Cathay Pacific flight mula Hong Kong, at si Scott Edward Edson, 47-anyos, na dumating sa NAIA Terminal 3 sakay ng United Airlines flight mula sa Guam.

Agad silang na-book sa unang available na flight papunta sa kanilang pinanggalingang bansa bilang resulta ng desisyon ng BI para sa pagiging undesirable aliens.

Sinabi ni Tansingco na sa kasalukuyang taon ay limang alien sex offenders ang naharang ng BI.

“We have been warning these sex offenders that they are not welcome here. If we encounter them, we have no choice but to turn them back. We are duty-bound to prevent the entry of aliens who are deemed as excludable under our immigration laws,” sabi ng BI chief.

Nabatid na sa impormasyon ng US government na noong 2002 nang hatulan ng Alabama court si White dahil sa kasong sexual misconduct sa isang 14-anyos na dalagita.

Samantala, si Edson ay hinatulan noong 1994 dahil sa panghahalay sa isang 13-anyos na bata.

Kapwa inilagay na sa BI blacklist ang dalawang dayuhan upang hindi na makabalik sa bansa.

Leave a comment