
Ni NERIO AGUAS
Iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos na nito ang pagtatayo ng bagong concrete road project na mapapakinabangan ng mga magsasaka sa Lemery, Batangas.
Sa kanyang ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, sinabi ni DPWH Batangas First District Engineer Bencio A. Aguzar na ang katatapos lang na 505-meter long farm-to-market road (FMR) project sa Barangay San Isidro Ibaba ay magbibigay ng malawak at accessible na kalsada para sa madaling pagdadala ng mga kalakal, lalo na ang niyog, mula sa pinanggalingan hanggang sa palengke.
Itinayo sa halagang P14.6 milyon sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA), ang 6.10-meter-wide road project ay maaaring magsilbing two-way traffic at kasama ang embankment protection bilang road safety feature.
Ang proyekto, na kinabibilangan din ng pagtatayo ng isang grouted riprap at crib wall para sa slope protection ay nakinabang sa malawak na taniman ng niyog sa San Isidro Ibaba.
