
Ni MJ SULLIVAN
Niyanig ng malakas na paglindol ang lalawigan ng Ilocos Sur at ng Davao Occidental ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Nabatid na ganap na alas-12:40 ng madaling-araw nang maramdaman ang magnitude 4.0 na lindol na natukoy sa layong 058 km timog kanluran ng Santiago, Ilocos Sur.
May lalim itong 011 km at tectonic ang origin.
Naitala sa instrumental intensities ang intensity II sa lungsod ng Vigan, Ilocos Sur at intensity I sa Candon, Ilocos Sur.
Wala namang inaasahang aftershocks ang Phivolcs sa mga susunod na mga araw.
Samantala, naitala rin ang magnitude 4.0 na lindol sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental dakong alas-2:39 ng hapon.
Natukoy ang sentro ng lindol sa layong 084 km timog silangan Sarangani Island, sa munisipalidad ng Sarangani, Davao Occidental at may lalim na 010 km at tectonic ang origin.
Wala namang naitalang danyos ang nasabing dalawang paglindol at wala ring naiulat na nasirang gusali.
